Mistulang imortal ang ilang mga hayop dahil sa pambihirang haba ng kanilang buhay, at ang iba, may kakayahan pang bumalik sa pagkabata. Anu-ano kaya ang mga hayop na ito? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” ipinakilala ang anim na maituturing “immortal animals.”

6. Aldabra Giant Tortoise

Nagmula ang mga Aldabra Giant Tortoise sa Aldabra Atoll sa Seychelles, Africa, na itinuturing isa sa pinakamalaking land tortoise sa buong mundo.

Kayang nitong tumimbang ng hanggang 300 kilo, na katumbas ng apat hanggang lima katao, isang grand piano, o kaya isang lalaking oso o bear.

Umaabot ng 200 taon ang buhay ng mga Aldabra Giant Tortoise dahil sa mabagal nilang aging process kumpara sa ibang hayop. Gayunman, puwede pa rin silang mamatay sa sakit, injury, at iba pang dahilan.

5. Ocean Quahog Clam

Tumatagal ng higit kumulang 500 taon ang buhay ng mga Ocean Quahog Clam. Katunayan, isang specimen ng Ocean Quahog ang natukoy na nasa 507 taon na ang edad.

Natutukoy ang kanilang edad sa pamamagitan ng pagbilang sa annual growth rings na nasa shell nito.

“'Yung clams kasi, meron siyang mga guhit-guhit na nakikita sa katawan. At meron mga fine at meron mas makakapal. ‘Yun ay mga stress marks na nagdaan mga panahon. 'Yung tagtuyot, taghirap, and any changes in season. Na kung puwede mong bilangin using a microscope, matatantiya mo 'yung estimate age ng clam,” sabi ni Dr. Romulo Bernardo, animal expert.

4. American lobster

Kilala ang American Lobster sa kakaiba nitong aging pattern. Mahirap matukoy ang eksaktong edad nito dahil sa regular nitong pagtanggal ng lumang shell para makagawa ng bago.

Patuloy ding lumalaki at nagre-renew ng tissues ang American Lobster, kaya tinawag itong “biologically immortal.”

Paglilinaw naman ni Kuya Kim, hindi ito “scientifically accurate,” dahil magiging mahirap ang malting process o pagpapalit ng shell para sa mga American lobster habang tumatanda na maaaring magdulot ng complications at puwede nilang ikamatay.

Tinatayang nasa higit 100 taon ang kaya nilang itagal sa dagat.

3. Planarian flatworm

Ang Planarian flatworm ay isang freshwater flatworm na kayang mag-regenerate o muling magpatubo ng naputol na parte ng kanilang katawan.

May mga pagkakataon din na nakakapagpatubo ito ng isang bagong organismo galing sa isang bahagi lang ng katawan nito.

“Maghi-heal ‘yan unti-unti tapos magpo-produce ng maliit na mga bugs at gradually mag-grow ‘yun. Ika nga nata-transmit 'yung mga information diyan para kopyahin, duplicate 'yung nawawalang parte ng kaniyang katawan hanggang sa mabuo niya. Kung head part ‘yun lalabas 'yung kaniyang mata at eventually magiging full-grown planaria. But 'yung genetic code niya siya pa rin,” paliwanag ni Bernardo.

Nagagawa nila ito dahil sa adult stem cells ng Planarian flatworm na gumagawa ng bagong cells. Wala silang identified lifespan at pinag-aaralan bilang hayop na may “resistance to aging.” Gayunman, iba-iba ang kanilang lifespan depende sa species at reproductive type.

2. Hydra

Ang hydra ay isang napakaliit na freshwater animal na hindi nakikitaan umano ng signs of aging.

“'Yung kanilang mode, hindi sila talagang ganu’n tumatanda. Nag-stay lang sila doon sa kanilang physical form,” sabi ni Bernardo.

Itinuturing ang hydra na negligible, senescence o hindi nakararanas ng mabilis na kamatayan, panghihina o mababang reproductive ability. Gayunman, hindi naman ligtas ang mga Hydra sa posibleng injury, disease at predators.

1. Immortal jellyfish

Hindi lamang kaya ng Immortal Jellyfish na patigilin ang pagtanda nito, kundi literal na kaya rin niyang bumalik sa pagkabata o baligtarin ang kaniyang sariling life cycle.

Tuwing nasasaktan o may stress sa paligid, iniiwan ng Immortal Jellyfish ang pagiging adult para bumalik sa early polyp stage of development.

“Kakaiba ito sa karamihan na jellyfish na nakikita natin. Nagre-reverse 'yung kanilang physical status at mag-i-stay lang siya doon until 'yung conducive na para magbalik siya doon sa ika nga iyong adult form niya,” ani Bernardo.

“The immortal is the ability lang nila to stay on a young or should I say for a length of period of time but not necessarily to stay alive pagka meron danger,” paglilinaw ni Bernardo. – FRJ GMA News