Sandaling bumagal ang daloy ng mga sasakyan sa MIA Road sa Pasay City dahil sa dalawang alagang aso na mistulang nagharutan sa gitna ng kalsada. Ang ilang motorista, tumulong upang ligtas na maibalik sa kanilang fur parents ang dalawa.

Sa ulat ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ipinakita ang video na kuha ni Julienne Berry Buctot, na may isang babae ang kumakaripas ng takbo para hulihin ang dalawang aso na tila naghaharutan sa kalsada kahit may mga dumadaang sasakyan.

Ayon kay Lianne, napansin niyang bumagal ang daloy ng trapiko sa lugar kaya tumingin siya sa kalsada at nakita ang eksena ng dalawang aso na tumatakbo habang hinahabol ng babae.

May rider din na umaalalay para makorner ang dalawang aso na isang Pomeranian at isang Pug.

Isang kotse rin ang tumigil sa gitna ng kalsada at lumabas ang isang lalaki para dakmain ang aso pero nadapa siya kaya tuloy pa rin sa paggala ang dalawang aso.

Pagkaraan pa ng ilang minute, nahuli rin naman ang dalawa at ligtas na nakauwi nang gumilid sila at napunta sa grupo ng mga estudyante.

Ayon sa fur parents ng mga aso, nakakawala ang dalawa nang masira ang lock sa kanilang kulungan.

Nagpapasalamat sila sa mga taong tumulong para ligtas na maibalik sa kanila ang kanilang mga alaga.

FRJ GMA News