Mainit na pinag-usapan sa social media ang naungkat na nakaraan nina Yeng Constantino at Ryan Bang. At sa 20th anniversary concert ng singer kamakailan, kinantahan ng singer-songwriter ang TV host-comedian. Nagselos kaya rito ang mister ni Yeng na si Victor “Yan” Asuncion? Alamin.
Sa guesting ni Yeng sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes, tinanong siya ni Tito Boy tungkol sa naging reaksyon ni Victor kaugnay ng “panghaharana” niya kay Ryan.
“Sobra po siyang nakaka-empathize kay Ryan. Marami po siyang moments na naaalala sa mga first encounters namin na, ‘Oo nga love, may pagkagano’n ka nga.’ So sabi ko sa kaniya, ‘Kampihan mo ako,’” paglalahad niya.
Ayon kay Yeng, nauunawaan ni Victor na parte lamang ng trabaho ang kaniyang ginawa.
“Actually, mas okay nga po ‘yun eh. Kasi realistic ang aking asawa that this is my job. At minsan po may mga ganitong nangyayari. Pero wala po siyang selos. 'Yun po 'yung grateful ako. At talagang ano, very, ano siya, understanding po sa akin,” sabi niya.
Pag-amin ni Yeng, siya pa ang selosa. “Sa aming dalawa po, ako po talaga ang selosa,” dagdag pa ni Yeng.
Pag-amin ni Yeng, sabi pa ang muntik na mapaaway sa ibang babae dahil sa selos.
Ayon sa mang-aawit, si Victor pa mismo ang umawat sa kaniya noon.
“Sabi niya, ‘Huwag love kasi kilala ka, baka mamaya maano ka,’” pagbahagi ni Yeng.
Ayon kay Yeng, isinulat at inialay niya ang hit niyang kanta na “Ikaw” para kay Victor.
Matatandaang naging emosyonal si Ryan sa "It's Showtime" matapos maalala ang nakaraan nila ni Yeng.
Dumalo si Ryan kasama si Vice Ganda sa concert ni Yeng. Si Yeng naman, nauna nang humingi ng paumanhin kay Ryan sa nangyari sa concert.
Kasal na ngayon si Yeng kay Victor. Samantala, dati na-engaged si Ryan kay Paola Huyong, ngunit naghiwalay noong Hunyo.
Isa si Yeng sa coaches sa darating na season ng "The Voice Kids Philippines," na mapanonood sa GMA Network sa Linggo, 7:15 p.m. pagkatapos ng "Bubble Gang." – FRJ GMA News
