Isinugod sa ospital ang 13-anyos na aktor na si Angelo Teves matapos siyang saksakin ng isa ring menor de edad na lalaki noong nakaraang Oktubre 12. Ang ugat ng pananaksak, dahil umano sa alitan sa online gaming account. Kumusta na kaya si Angelo? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang ilang naging proyekto ni Angelo sa Kapuso Network. Kabilang na rito ang pagganap niya bilang batang Adamus sa dating fantasy series na "Encantadia Chronicles: Sang'gre!”
Kaya marami ang nabigla nang mabalita na nasaksak si Angelo sa Barangay Payatas sa Quezon City, at isinugod siya sa ospital.
Ayon sa pulisya, lumabas sa imbestigasyon na nag-ugat ang insidente dahil sa hindi umano pagbabayad ni Angelo ng P1,000 sa ibinentang online game account ng 15-anyos na nakaalitan ng aktor na itinago sa pangalang “Mike.”
Pero sinabi ni Emelinda Patata, tiyahin ni Angelo, itinanggi ng kaniyang pamangkin na may utang siya, at pinagbitangan lang.
Idinagdag din niya na nagkaroon din ng pagbabago sa ugali ni Angelo matapos itong mabarkada.
Limang sugat ang tinamo ni Angelo at pinakamalubha ang tinamo niya sa tagiliran. Sa video footage, makikita na inalalayan siya ng ilang kaibigan para isinugod sa ospital.
Ang sumaksak naman kay Angelo na si Mike, isinuko umano ng kaniyang ina na si “Julie.” Aniya, dati nang may alitan ang dalawa.
Minsan na rin umanong inabangan ni Angelo si Mike para paluin ng bote. Gayunpaman, aminado si Julie na mali ang ginawa ng kaniyang anak kaya humihingi siya ng tawad at pang-unawa.
Umaasa siyang mabibigyan ng pagkakataon ang kaniyang anak na si Mike.
Samantala, nalagay sa peligro ang buhay ni Angelo na kinailangang sumailalim sa ilang operasyon. At pagkatapos na manatili sa ICU nang siyam na araw, nailipat na ang aktor sa recovery room.
Gayunpaman, hirap pa rin siyang kumilos at magsalita. Idinadaing din niya ang sakit sa mahabang sugat na likha ng operasyon.
Ang ama-amahan ni Angelo na nasa Bicol, labis ang pag-aalala sa kaligtasan ni Angelo. Hindi pa siya makaluwas ng Metro Manila kaya hindi niya maalagaan ang kaniyang anak-anakan.
Ngunit sino naman ang 19-anyos na si Matthew, na kaibigan ni Angelo na nagpakilalang kapatid ng aktor? Dahil sa pagpirma niya sa dokumento sa ospital, nagdulot umano ito ng problema kalaunan para kina Emelinda. Tunghayan ang buong kuwento sa video ng KMJS? Panoorin. –FRJ GMA News
