Umabot sa Hollywood, USA ang husay ng beatboxing twins ng Cebu matapos nilang mapahanga ang aktor na si Will Smith.

Napanood ni Will ang beatbox cover nina Joemar at Jake Canencia, na "Animals" ni Martin Garrix.

Saad ni Will sa kaniyang Instagram post nang i-share ang video ng kambal: “Before the internet people would just be good at something like this and nobody would know—Tragedy! Shoutout Joemar & Jake…this is spectacular!”

Magkomento rin si Martin sa naturang post na bilib din sa talento ng kambal.

Mayroon nang mahigit 7.6 milyon ang naturang video ng magkapatid na tuwang-tuwa sa pagpuri sa kanila ng Hollywood actor.

“Grabe sobrang saya namin dahil nakita ni Mr. Will Smith ang video namin at napahanga pa siya," anang kambal.

“Akala namin dito lang sa Pilipinas ang aming video pero nandoon na pala sa iba't ibang panig ng mundo," dagdag nila.

Nadiskubre raw nila ang kanilang talento noong limang taong gulang lang sila.

Pangarap ng kambal na maging DJ at magkaroon ng sarili nilang studio.— FRJ, GMA News