Nabiktima ng mga kawatan sa isang shopping mall ang Kapuso star na si Alice Dixson.

Sa Instagram post, ibinahagi ng bibida sa upcoming series na "Legal Wife," ang ginawang modus sa kaniya ng ilang lalaki at babae na bumangga sa kaniya sa loob ng mall para makuha ang kaniyang cellphone.

"YES po, nadukutan ako while shopping in the mall. Ang nakuha po sa akin was my cellphone,” ani Alice.

“I will eventually share the whole story but in a nutshell, it was believed to be a group effort of four to six women, two of which bumped me from the front and back ayon sa CCTV footage,” patuloy niya.

Dahil sa karanasan, pinaalalahanan ni Alice ang mga follower niya na maging maingat kapag nasa mga pampublikong lugar.

"Kaya mga unsuspecting shoppers, please be very very mindful of your belongings and people na dumidikit-dikit sa inyo sa public spaces,” paalala niya.

 

 

Nitong nakaraang buwan, ibinahagi ni Alice na nawala ang mga importanteng larawan niya, pati na ang ginawa niyang pagdukomento sa kaniyang bagong silang na anak.

“Making memories in my heart,” saad ng aktres.

“Something happened with my photos and video footage(s) recent vlogs and more... Saka ko ikuento pag puede na, but nakakasad because all the photos and videos when Baby A was born were all together. And all my recent video projects, promos etc must be reshot,” patuloy niya. — FRJ, GMA News