"Ang bawat isa sa atin ay nakatanggap ng tanging kaloob. Ayon sa sukat na ibinigay sa atin ni HesuKristo". (Efeso 4:7)

Ang liwanag na natamo natin mula kay Hesus ay isang napakagandang kaloob. Sapagkat hindi lahat ay pinagkalooban ng Diyos ng ganitong biyaya.

Ang liwanag na ito ay ang liwanag na nag-akay sa atin patungo sa tamang direksiyon ng ating buhay kung dati tayong namumuhay sa kadiliman.

Ngayon ay natamo na natin ang liwanag sa pamamagitan ng ating Panginoong HesuKristo.  Siya ang nagbigay ng kaliwanagan sa ating buhay at isipan upang hindi mapahamak ang ating kaluluwa.

Kaya may makahihigit pa ba sa magandang biyayang ibinigay ni Hesus sa atin? May mas gaganda pa ba sa biyayang ito? Dahil kung hindi sa grasyang ito, hanggang ngayon sana'y namumuhay pa rin tayo sa kasalanan.

Pinapaalalahanan tayo ni Hesus sa Mabuting Balita (Mateo 10:24-33) na maging liwanag at tinig nawa tayo para sa ating mga kapatid na namumuhay sa "kadiliman" ng kasalanan.

Winika ni Hesus sa Pagbasa na ang Kaniyang sinabi sa dilim ay ulitin natin sa liwanag at ipagsigawan naman natin ang Kaniyang mga ibinulong. (Mateo 10:27)

Nais ni Hesus na ibahagi natin sa ibang tao ang ating liwanag sa pamamagitan ng ating mabubuting gawa at mga natutunan natin mula sa Banal na Kasulatan.

Inaasahan tayo ni Kristo na maibahagi din natin sa mga makasalanan ang mensahe ng Diyos patungkol sa pagsisisi at pagbabalik-loob.

Nais Niyang maging instrumento tayo ng liwanag upang alisin ang mga taong nananatili sa dilim.  Nais Niyang maimulat natin ang mga mata at isipin ng mga nagkakasala na magbago, tulad ng ginawa Niya sa atin.

Huwag natin hayaang nakatago lamang ang Salita ng Diyos. Tulad ng ipinahayag ni Hesus. "Ang sinabi Niya sa atin sa dilim ay ulitin natin sa liwanag".

Mawawalan ng kabuluhan ang natamo nating liwanag kung ito'y hahayaan lamang nating nakakubli. Hindi maglalaon, unti-unting mamatay ang ningas ng ating liwanag.

Ang sabi nga ni Santo Domingo de Guzman, tayo ang liwanag ng Sangkatauhan. Isiwalat natin ang liwanag na ito upang maraming kaluluwa ang maligtas mula sa kumunoy ng impiyerno.

Manalangin Tayo: Panginoong Hesus, tulungan Mo nawa kami na maging liwanag sa aming kapwa. Upang ang liwanag na natamo namin mula Sa'yo ay maibahagi din namin sa iba. AMEN.

--FRJ, GMA News