Nahuli-cam ang pagtumba ng mag-asawa sa Davao City na pinaniniwalaang "sniper" ang bumaril at nakapatay sa labas ng kanilang bahay. Ang mister, nasapul habang tinutulungan ang asawa na unang tinamaan ng bala.

Sa ulat ni Tek Ocampo sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage na lumabas ng kanilang bahay si Atty. Sitti Gilda Mahinay-Sapie at nagpunta sa kalsada noong Miyerkules na tila may tinitingnan.

Maya-maya lang, napaluhod ang abogada at hindi na kumikilos.

Sunod na lumabas ng bahay ang kaniyang mister na si Muhaimen Mohammad Sapie, para alamin ang nangyaring kaguluhan sa labas.

Habang tinutulungan niya ang asawa na nakaluhod sa kalsada, bigla na lang ding tumumba si Tim.

Kapwa na pala binaril ang mag-asawa pero hindi malaman ng mga tao kung nasaan ang salarin.

Hinala ng mga awtoridad, sniper ang bumaril sa mag-asawa.

Kabilang sa tinitingnan ng mga awtoridad na motibo sa krimen ang away sa lupa at kaso na hawak ng abogadang biktima.

“Sinisikap na ngayon ng kapulisan ang malalimang imbestigasyon. Lahat ng anggulo titingnan natin para malaman natin ang motibo bakit ito nangyari,” ayon kay Davao City Police Office spokesperson Police Captain Rose Aguilar.

Mayroon ding radio program ang mag-asawa kung saan nagbibigay sila ng libreng payong legal.

Nagawa pa ng mag-asawa na makapagprograma noong Miyerkules, ilang oras matapos silang paslangin.-- FRJ, GMA News