Isang kakatwang pangyayari ang naganap sa Bursa, Turkey matapos sumama sa search and rescue team ang isang lalaki, na hindi alam na siya pala ang hinahanap.

Ayon sa online news site na Daily Sabah, sinabing iniulat na nawawala noong Martes ng umaga si Beyhan Mutlu, matapos na hindi siya ma-contact ng mga kaanak ng ilang oras.

Napag-alaman na nakipagkita siya sa kaniyang mga kaibigan, at kinalaunan ay nagpunta sa gubat nang lasing kung saan napasama na siya sa mga taong naghahanap sa "kaniya."

Sa pagtatanong na rin ni Mutlu kung sino ang kanilang hinahanap, doon na niya nalaman na siya pala ang hinahanap.

Matapos magbigay ng pahayag sa mga awtoridad, inihatid na siya sa kaniyang bahay. --FRJ, GMA News