Pormal nang ipinakilala si Kuya Kim Atienza bilang isang Kapuso. Ang resident weatherman at meteorologist ng GMA na si Nathaniel "Mang Tani" Cruz, may mensahe sa kaniya.

Inanunsyo ang pormal na pagpapakilala kay Kuya Kim bilang Kapuso nitong Lunes sa GMA News "24 Oras," kung saan magiging segment host siya.

“Isang malaking karangalan na mapunta ako sa Kapuso Network,” ani Kuya Kim. “Nothing happens by accident. I was given this opportunity by GMA-7 and I intend to make the most out of this opportunity.”

At mula sa Australia kung nasaan si Mang Tani, nagbigay siya ng mensahe para i-welcome si Kuya Kim bilang Kapuso.

"Hi, pwede na kitang tawagin ngayong Kapusong Kuya Kim. Welcome," ani Mang Tani sa video message.

"Natatandaan mo ba 'yung matagal na matagal na panahon na magsisimula ka sa bagong trabaho mo no'n at ako naman ay nasa PAGASA? Matagal na 'yon pero ngayon, magkakasama na tayong dalawa," paglalahad niya.

Tiniyak ni Mang Tani kay Kuya Kim na mag-e-enjoy ito bilang Kapuso.

"Defnitely, you will enjoy itong Kapuso network. Kapusong Kuya Kim, welcome!" patuloy niya.—FRJ, GMA News