Sa pagluluwag ng gobyerno sa mga restriction dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa bansa, sabik marahil ang marami sa face-to-face family reunion at Christmas Party. Gayunman, may mga paalala pa rin ang Department of Health (DOH) para sa ligtas na pagsasagawa ng mga pagtitipon sa harap na rin ng banta ng Omicron variant.

Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagpaalala ang DOH sa publiko na siguraduhing bakunado ang mga dadalo sa party, at itodo pa rin ang pag-iingat.

Pangalawa, dapat ding tiyakin na walang sintomas ng COVID-19 ang mga dadalo. Kabilang sa mga sintomas na ito ang lagnat, ubo o sipon at pagkawala ng panlasa o pang-amoy.

Pangatlo, siguruhing may maayos na ventilation o daluyan ng hangin sa lugar na pagdadausan ng mga party.

Pang-apat, mainam kung magkakaniya-kaniya ng baon o pre-plated food na lamang ang dadalhin sa kasiyahan, kaysa mag-buffet.

Panglima, nariyan pa rin ang paalala na huwag kalimutang magsuot ng face mask, maliban kung kakain o iinom.

Pang-anim, dapat na maglaan ng tamang oras para sa okasyon at iwasan nang mag-overnight.

Pampito, obserbahan ang isang metrong physical distancing.

Pangwalo, hinihikayat na huwag nang maghiraman ng mga kubyertos at baso.

Panghuli, siguruhin ang paglilinis o pag-sanitize ng kamay.

Maligaya at ligtas na Pasko sa lahat.

--FRJ, GMA News