Sinariwa nina Paolo Contis at Patrick Garcia sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Miyerkoles ang panahon noong ginagawa nila ang TV series na "Tabing llog."

Iniisa-isa ni Tito Boy kina Paolo at Patrick ang kanilang naaalala sa kanilang mga co-star sa 1999 series na kinabilangan din nina John Lloyd Cruz, Kaye Abad, Baron Geisler, Desiree del Valle, Jodi Sta. Maria, Paula Peralejo, at iba pa.

Nang matapat na ang tanong tungkol kay Desiree, nagpaubaya si Patrick na si Paolo na ang magsalita.

Dito na sinabi ni Paolo na nagkaroon sila ng hidwaan noon ng aktres sa set.

"There was a time na 'yung friendship namin ni Des hindi naging OK, na nagkaroon ng point na hindi kami nagkikita sa set kahit magka-eksena kami," saad niya, sabay paliwanag na magkahiwalay silang kinunan ng eksena pero palilitawin na magkasama sila.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye ang aktor pero inamin niya sa "Fast Talk" segment na niligawan niya noon si Desiree.

Samantala, ibinahagi naman ni Patrick ang nakatatawang kuwento nang bigla na lang kunin ni John Lloyd at kainin ang inipon niyang buto ng pakwan na binalatan niya para kainin.

"Kasi iniipon ko eh. Tapos sabay-bay kong [isusubo]. Kinuha niya sa 'kin tapos [kinain niya]," balik-tanaw ni Patrick. "Masama ang loob ko nun."

Hindi naman daw malilimutan ni Paolo ang ginawa ni Patrick sa set ng Tabing Ilog na 7:00 am ang call time pero 7:00 pm na ito dumating.

Pero paliwanag ni Patrick, nasa location na rin siya pero nasa ibang set siya naghihintay.

Matapos magpahinga ng apat na taon, balik sa paggawa ng pelikula si Patrick kasama sina Paolo at Kaye sa "A Journey" na mapapanood sa Netflix sa April 12.—FRJ, GMA Integrated News