Hiwalay na ang  Kapuso celebrity chef na si Jose Sarasola at ang Japanese celebrity na si Maria Ozawa.

Sa panayam ng PEP.ph, sinabi ni Jose na ang long-distance relationship ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.

“To be honest, wala na kami. It’s been difficult, e, it’s been very hard,” sabi ng chef sa naturang panayam. “LDR is very hard. We never expect this to be difficult. We tried.”

Noong Disyembre umano sila naghiwalay, at ipagdiriwang sana ng dalawa ang kanilang fifth anniversary sa Pebrero.

Parehong desisyon daw nila ang paghihiwalay, ayon kay Jose.

Nagsimula umanong magkalayo sila nang madalas noong June 2020 nang bumalik sa Japan si Maria dahil sa pandemic.

Naging bukas naman daw ang komunikasyon nila pero sadyang mahirap umano itong panatilihin.

Bukod sa pagiging Kapuso artist, mayroon ding restaurant na inaasikaso si Jose at mga endorsement. Habang mayroon ding resto-bar business si Maria sa Tokyo at YouTube channel.

“As time went by, it just took a heavy toll on the both of us, e. Nahirapan kaming dalawa,” ani Jose. “Medyo hard na to continue the relationship, parang it’s hard when your partner is not here.”

Sinabi rin ni Jose na naging mahirap din sa mga dayuhan ang pumasok sa Pilipinas dahil sa mga patakaran dulot ng pandemic.

“Up to now, she never came back. Nahihirapan talaga siya kasi sa mga rules ng mga foreigners coming back,” ayon kay Jose.

Gayunman, nananatili raw silang magkaibigan ni Maria at wala silang pinag-awayan na malaki.

Napapanood si Jose sa cooking show na “Eat Well, Live Well, Stay Well,” kasama si Iya Villania. – FRJ, GMA News