Inihayag ng isang feng shui consultant ang mga animal sign na umano'y suwerte ngayong 2022 o Year of the Water Tiger. Pero mayroon din silang dapat pag-ingatan. Alamin kung anu-ano ito.

Sa programang "Unang Hirit," sinabi ng feng shui consultant na si Johnson Chua, na mayroong Top 5 na mga animal sign na suwerte sa taong ito.

1. Year of the Pig (1923, 1935, 1947, 1959, 1971, 1983, 1995, 2007, 2019)

Base sa feng shui, kaibigan ng Tiger ang Pig kaya ang mga pinanganak sa taong ito tulad nina Maine Mendoza at John Lloyd Cruz ay dadami pa ang kanilang network, connections, resources o projects.

Gayunman, nagbabala si Chua tungkol sa mga makaka-transakisyon ng mga nasa Year of the Pig at huwag mabilis magtiwala sa mga posibleng scammer.

2. Year of the Horse (1918, 1930, 1942, 1954, 1966, 1978, 1990, 2002, 2014)

Mayroong success luck ang mga nasa Year of the Horse ngayong 2022, kaya marami rin silang mga matagumpay na mga proyekto, negosyo o investment.

Nagbabala naman si Chua na iwasan ng mga nasa Year of the Horse na maging stressful.

Ayon kay Chua, malakas ang love luck energy ng animal sign na ito kaya pagkakataon na ito ang taon nina Andrea Torres, Rhian Ramos at Kyline Alcantara para sa lovelife.

3. Year of the Rooster (1921, 1933, 1945, 1957, 1969, 1981, 1993, 2005, 2017)

Maganda naman ang power at authority para sa mga Year of the Rooster, kaya lalong magiging malakas ang kanilang influence energy. Ibig sabihin, magiging mabilis silang mangumbinsi ng tao, o marami silang mai-inspire kung sila ay mga influencer.

Isa sa mga celebity na ipinanganak sa Year of the Rooster si Alice Dixson.

4. Year of the Rabbit (1915, 1927, 1939, 1951, 1963, 1975, 1987, 1999, 2011)

Maganda ang 2022 para sa career at propesyon ng mga nasa Year of the Rabbit dahil mayroon silang influence o sun star. Kaya naman mabilis silang pakikinggan ng karamihan kung magsasalita sila.

Ilan sa mga celebrity at personality na ipinanganak sa Year of the Rabbit ay sina Bea Alonzo, Tom Rodriguez, Connie Sison at Suzi Abrera.

5. Year of the Snake (1917, 1929, 1941, 1953, 1965, 1977, 1989, 2001, 2013)

Suwerte naman sa money luck sa 2022 ang mga nasa Year of the Snake. Gayunman, kailangan pa rin nila ng diskarte at determinasyon.

Nagbabala rin si Chua sa mga Year of the Snake pagdating sa mga conflict o misunderstanding, kaya huwag silang sumabak sa mga away na hindi sa kanila.

Para patuloy na pumasok ang suwerte sa 2022, kailangan pang paramihin ang mga metal element tulad ng ornaments, ayon kay Chua.

Magsuot din ng power bracelet para proteksyunan ang sarili sa negativity.

Sa Pebrero 1 ipagdiriwang ang Chinese New Year.

--FRJ, GMA News