Nagpakuryente, nagpakagat sa putakte, langgam at tuko. Ginawa ni "Boy Maas" ang naturang mga challege hindi para magpasikat sa kaniyang vlog, kung hindi para kumita kahit maliit upang maipagamot ang kapatid na maysakit.

Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabi ni "Boy Maas," o Jan Kiven Sabala Cortez sa tunay na buhay, ng Butuan City, Agusan del Norte, na hindi pa siya kumikita sa mga video content niya.

Pero kumikita siya mula sa pagtanggap niya sa mga hamon ng mga napapanood sa kaniyang vlog.

Nang magpakagat siya sa mga langgam, P200 daw ang natanggap ni Boy Maas. At kahit lubhang delikado rin ang magpakuryente sa tubig na gamit sa pangingisda, P200 din ang natanggap niya sa naghamon ng naturang challenge.

Mas malaki naman ang bigay ng humamon sa kaniya na magpakagat sa mga putakte o bubuyog na umabot sa P1,000.

Pero ang resulta ng bubuyog challenge, sangkaterbang pantal sa kaniyang katawan--pati na sa nguso.

At sa naghamon sa kaniya na magpakagat sa mga tuko na marami sa Butuan, P5,000, ang alok sa kaniya kaya hindi niya iyon inatrasan.

Gustuhin man daw ni Boy Maas na itigil na ang buwis-buhay na mga challenge, hindi niya magawa dahil kailangan niyang kumita para makatulong sa kaniyang mga magulang at maipagamot ang kaniyang nakababatang kapatid na ilang taon nang may iniindang bukol sa tenga.

Grade two lang ang inabot ni Boy Maas. Hindi siya marunong magbasa kaya ang kaibigan na kasama niya sa paggawa ng vlog ang nagbabasa ng mga komento ng kaniyang followers at naghahamon sa kaniya ng challenges.

Bukod sa pagba-vlog, handang pasukin ni Boy Maas ang mabibigat na trabaho tulad ng pagbubuhat ng mga kahoy upang magkaroon ng marangal na hanapbuhay.

"Yung kapatid ko na may kapansanan, may bukol sa tenga tatlong taon na po. Kaya nagba-vlog na lang ako para matulungan ko din. Makaahon sa buhay," pahayag niya.

"Sinasabi ko magtiis na lang tayo, darating yung araw may tutulong. Naggawa na lang ako ng content na delikado. Sobrang lungkot talaga maam. Gusto ko lang maano yung kapatid ko, matulungan. Kaso wala lang pera maam," patuloy ni Boy Maas na hindi na napigilang umiyak.

Pero may paalala ang mga eksperto tungkol sa panganib ng mga ginagawang challenge ni Boy Maas.

Upang maihanap siya ng maayos na trabaho, inilapit si Boy Maas sa lokal na pamahalaan. Ipinasuri rin ang tenga ng kaniyang kapatid upang alamin kung ano ang dahilan ng bukol nito.

Tigilan na kaya ni Boy Maas ang mga delikadong challenge kapalit ng pera? Panoorin ang buong kuwento niya sa video ng "KMJS."

--FRJ, GMA News