Arestado ang isang lalaking magnanakaw na tumalon at lumangoy sa pool para makatakas, pero natunton pa rin dahil sa basa niyang footprints sa Queensland, Australia.

Sa video ng Queensland Police Service na mapapanood sa GMA News Feed, makikita na nabisto na ng mga awtoridad ang suspek sa kaniyang pinagtataguan.

Pero sa halip na magpaaresto, tumakbo pa rin at tumalon sa pool ang lalaki.

Umikot ang isang pulis para mahuli sana ang salarin, pero muli siyang nakapagtago sa loob naman ng isang shopping plaza.

Pero dahil sa mga naiwan niyang basang footprints at pagtuturo na rin ng mga saksi, natunton ng mga awtoridad ang lalaki.

Bago nito, nanloob ng shop ang 22-anyos na suspek at tinangay ang hindi pa matukoy na halaga ng pera, ayon sa mga awtoridad.

Unang nadatnan ng pulis ang lalaki sa isang hotel.

Nakabilanggo na ang lalaki at nahaharap sa patung-patong na asunto. —Jamil Santos/VBL, GMA News