Patay sa saksak ang isang 24-anyos na lalaki, habang hinalay ang kaniyang 17-anyos na nobya matapos silang harangin at holdapin ng tatlong suspek habang namamasyal sa Coastal Road sa San Roque, Lapasan sa Cagayan de Oro City.

Batay sa ipinadalang ulat ni Police Colonel Aaron Mandia, City Director, kay Police Brigedier General Benjamin Casuga Acorda Jr., Regional Director ng PRO 10, sinabing dakong 1:30 am noong noong July 17, nang makatanggap sila ng impormasyon tungkol sa nangyaring krimen.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na nagdi-date ang magkasintahan nang holdapin sila ng tatlong lalaki at dinala sila sa madalim na lugar ng coastal road.

Nagtamo ng 10 saksak ang lalaking biktima na isang delivery rider at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Ginahasa naman ang biktimang babae, at tumakas ang mga salarin.

Sa hot pursuit operations na isinagawa ng mga awtoridad, isa sa mga suspek ang naaresto pero itinanggi niya ang krimen.

Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Erwin Adame.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya at pagtugis sa isa pang suspek.

Noong nakaraang linggo lang, isang magkasintahan din na nagka-camping sa Boac, Marinduque ang sinalakay ng isang salarin.

Pinatay ng suspek ang lalaki at ginahasa naman ang babae na 17-anyos din.

Nag-alok si Senador Raffy Tulfo ng P1 milyon pabuya sa makapagtuturo sa salarin sa karumal-dumal na krimen sa Boac.--FRJ, GMA News