Sakaling mawala o manakaw ang cellphone kasama ang SIM card, ano nga ba ang dapat gawin ng may-ari ngayong kailangan nang iparehistro ang SIM? At ano ang mangyayari sa taong bibili ng SIM na nakarehistro na sa ibang pangalan? Alamin.

Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na mas madali nang mababawi ang numerong ginagamit sa cellphone kapag nairehistro na ang SIM.

“Pumunta po sa pinakamalapit na telco at sabihin po na nanakaw ‘yung inyong SIM card. Magdala lang po kayo ng valid ID at ng affidavit of loss,” ayon kay DICT undersecretary Anna Mae Yu Lamentillo.

Layunin ng SIM registration na mapalakas ang accountability at responsibility ng mga SIM card user.

Kung nakarehistro ang SIM, mas madali rin na matutukoy kung sino ang gumamit ng mobile number kapag nasangkot ito sa panloloko o krimen.

Kasabay nito, nagpaalala ang mga awtoridad na mag-ingat sa mga fake website na naghihikayat na irehistro doon ang SIM card para manakaw ang personal information ng gumagamit.

Mayroon na rin umanong mga nag-aalok ng pre-registered o nakarehistro nang SIM card.

“Ipinagbabawal ito sa batas. Hindi lang yung multa kundi may kasama po 'yang kulong. Hindi lang yung nagnakaw ng stolen SIM card ang may kasalanan pati yung bumibili,” babala ni Lamentillo.

Ipinaalala rin ng mga awtoridad na libre at walang bayad ang pagrehistro ng SIM kaya mag-ingat sa mga nag-aalok na serbisyo na irerehistro ang SIM kapalit ng bayad.

Ayon sa DICT at telcos, maaaring magtungo sa kanilang mga tanggapan ang nais na magpatulong upang mairehistro ang kanilang SIM.

Pero paalala ni Lamentillo, bawal magsumite ng pekeng ID o ID ng ibang tao.

“Kung makalusot man kayo dito sa ating initial phase of registration, meron pa tayong post verification process. At labag sa batas na i-register niyo at gumamit kayo ng ibang ID. Yung iba, may balak magbigay ng fake ID. 'Yan po ay ipinagbabawal ng batas. Di po pwede i-register ang SIM card sa ibang tao,” ayon kay Lamentillo.

Ayon sa DICT, nasa 21 milyong SIMs na ang naiparehistro mula noong December 27, 2022. —FRJ, GMA Integrated News