Para sa pananampalataya, isang batang babae na walong-taong-gulang sa India ang pinili umanong pumasok sa pagma-madre at ipinagpalit ang karangyaan sa buhay. Ang bata sana ang tagapagmana ng multi-million-dollar diamond business ng kaniyang mga magulang.
Sa ulat ng Agence France-Presse, kinilala ang bata na si Devanshi Sanghvi, na tagapagmana sana ng negosyo ng alahas ng Sanghvi and Sons sa kanlurang lungsod ng Surat.
Tinatawag na "diamond city" ang Surat dahil kilala ito sa mga alahas at mamahaling uri ng bato.
But for the path chosen by the child and her family, Devanshi would have been the owner of a multi-crore diamond company on turning into an adult.
— The Times Of India (@timesofindia) January 18, 2023
Read more: https://t.co/uSPVLKrEdg pic.twitter.com/dEM743ryc9
Ang pamilya ni Devanshi ay miyembro ng Jain, isang maliit at sinaunang relihiyon sa India, na nangangaral ng kontra sa karahasan, strict vegetarianism at pagmamahal sa lahat ng nilalang sa mundo.
Ngayong linggo, ginanap ang apat na araw na seremonya upang ipahayag ang bagong bokasyon ni Devanshi.
Nakita ang bata na nakasakay sa isang karuwaheng hinihila ng isang elepante, ayon sa mga larawang ibinahagi ng local media sa India.
Dumating si Devanshi nitong Miyerkoles sa isang templo para ipagpalit ang kaniyang magarang kasuotan sa isang simpleng damit na gawa sa bulak. Ito ay matapos alisin din ang lahat ng kaniyang buhok.
Ayon sa ilang saksi sa seremonya na nakausap ng AFP, kilala raw si Devanshi bilang isang miyembro ng Jain ng Surat dahil sa kaniyang pagiging banal kahit noong bata pa ito.
“Devanshi has never watched television, movies or gone to malls and restaurants,” sabi nila.
Dagdag pa nila, regular raw na pumupunta ang bata sa mga seremonya sa templo.
Ayon sa AFP, si Devanshi ang isa sa mga pinakabatang sumailalim sa “diksha”, isang seremonya upang iwanan ang kanilang mga materyal na ari-arian at pumasok sa pagiging monghe ng Jain.
Batay sa ulat ng local media, sinabi ng mga magulang ng bata na sabik daw itong maging madre.
Hinihikayat raw ng pamilyang Jain ang kanilang anak na maging madre upang maging maganda ang katayuan sa lipunan ng kanilang mga kamag-anak.
Ayon sa isang Indian credit rating agency na ICRA, nagkakahalaga ng 5 billion rupees o $61 million ang negosyo ng pamilya ni Devanshi, na itinatag noong 1981.
Ang Jainism ay may higit sa apat na milyong mananampalataya sa India. Marami sa kanila, tulad ng pamilya ni Sanghvi, ay mula sa nakaririwasang komunidad.
Mahigpit raw nilang sinusunod ang vegetarian diet at nagtatakip ng tela sa bibig ang ilang monghe at madre upang hindi sila aksidenteng mapasukan o makalunok ng mga insekto.
Pero nakatanggap ng batikos ang naturang relihiyon dahil sa mga ritwal nito, lalo ang tradisyong pag-aayuno na kung minsan ay nauuwi sa pagkamatay ng miyembro.
Noong 2016, isang 13-taong-gulang na batang babae sa Hyderabad ang nasawi dahil sa coma habang nagsasagawa ng dalawang buwang pag-aayuno.
Pinayagan lang daw ang bata na uminom ng maligamgam na tubig dalawang beses sa isang araw.
Kinasuhan ng pulisya ang kaniyang mga magulang at binatikos sila ng publiko dahil sa pagpilit nila sa bata na mag-ayuno.-- AFP/Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News