Ipinaliwanag si Ogie Diaz kung bakit hindi niya kinausap nang personal ang dati niyang alaga na si Liza Soberano nang lumabas ang kontrobersiyal nitong "I Am Hope" vlog. Giit ng talent manager, hindi siya gumagawa ng kasinungalingan.

Matapos lumabas ang naturang vlog ni Liza, ipinalabas naman sa "Fast Talk with Boy Abunda" ang 2-part exclusive interview ng King of Talk sa aktres.

Sa pinakabagong vlog entry ni Ogie, sinabi nito na marami siyang natanggap na puna makaraang ipalabas ang second part ng panayam kay Liza noong Lunes.

"Bago pa lumabas yung part 2, naglabas na kami ng sagot sa cliffhanger," sabi ni Ogie sa vlog niya nitong Miyerkules.

Sa naturang panayam ni Tito Boy, nabanggit ni Liza na dapat personal na lang siyang kinausap ni Ogie sa halip na inilabas sa publiko sa pamamagitan ng vlog ang kaniyang mga puna sa vlog ng aktres.

Ayon kay Ogie, totoo ang sinabi ni Liza na maayos ang kanilang paghihiwalay bilang manager at talent. Natapos umano ang kontrata ni Ogie bilang manager ni Liza noong May 31, 2022.

Nananatili naman daw ang kanilang komunikasyon. Pero noong Pebrero nang biglang mabura ang mga post sa social media ng aktres, nagpadala umano si Ogie ng mensahe kay Liza para mag-alok ng tulong kung sakaling na-hack ang account nito.

Ipinakita pa ni Ogie ang mga ipinadala niyang mensahe kay Liza sa Viber pero hindi umano sumagot ang aktres.

Hanggang sa lumabas na ang kontrobersiyal na "I Am Hope" vlog.

"Nag-react ako. Kasi sa narrative niya na na-bash si Liza, na-bash din kami. Kasi kami ang lumalabas na kinahon namin siya," paliwanag ni Ogie patungkol sa pagdepensa niya sa sarili na idinaan din niya sa vlog.

"Parang kinontrol namin siya. Since yun ang nasa vlog na public, natural ipagtatanggol ko ang sarili ko," patuloy niya.

"Kung itatanong niya sa 'kin bakit hindi ako nagre-reach out, kailangan ko i-angat kung reputasyon namin kasi kami 'yung bina-bash kasi kami nga [daw] 'yung 'nagkulong' sa kanya. Inilabas niya 'yon, syempre ilalabas namin yung panig namin," sabi pa ni Ogie.

Sa ikalawang bahagi ng panayam ni Boy Abunda na ipinalabas noong Lunes, sinabi ni Liza na may tampo siya kay Ogie dahil sa mga pahayag nito na hindi umano totoo.

“So ngayon, nagtatampo po ako sa kaniya because he is saying so many things that are untrue,” ani Liza. “Why is he trying to say things to make people turn against me?”

"He should’ve talked to me kasi para namang wala kami pinagsamahan,” patuloy ni Liza sa panayam.

Sa nasabing mga pahayag ni Liza, iginiit ni Ogie na hindi siya gumagawa ng kasinungalingan.

"Hindi aka nagpo-produce ng lies. At hindi rin namin siya kinakawawa. Hindi rin namin siya sinasabihan na walang utang na loob," ani Ogie. "Ang lagi kong pinapaalala sa kanya, ay maging grateful."

Ayon kay Ogie, sana ay mapanood ni Liza nang buo ang kaniyang vlog.

"Sana lahat ng palabas namin, napapanood mo. Sincere kami sa sinasabi namin. Mahal kita. Nagmamalasakit ako. Sana mas sumikat ka sa pinili mong management, career path," mensahe ni Ogie kay Liza. — FRJ, GMA Integrated News