Pumanaw nitong Lunes ang aktor na si RJ Mitte, na mas nakilala sa kaniyang pagganap bilang anak ni Walter White sa TV series na “Breaking Bad.” Siya ay 34-taong-gulang lang.
May cerebral palsy si Mitte, at ang naturang kondisyon ang naging batayan sa pagganap niya bilang isang karakter na may kapansanan sa nasabing serye.
Kinumpirma ang pagpanaw ni Mitte sa Brownsville, Texas, sa pamamagitan ng isang pahayag na inilabas ng kaniyang talent management agency. Wala nang ibang detalye na ibinahagi tungkol sa dahilan ng kaniyang pagkamatay.
"It is with profound sadness that we share the tragic passing of beloved actor, philanthropist, and passionate disability rights advocate RJ Mitte," saad sa pahayag.
Base sa kaniyang tunay na karanasan sa pamumuhay na may cerebral palsy, higit na nakilala si Mitte sa kaniyang pambihirang pagganap sa seryeng “Breaking Bad” ng AMC cable TV network.
Ginampanan niya ang nag-iisang anak ng pangunahing karakter na si Walter White, isang guro sa high school na may nakamamatay na karamdaman at palihim na nasangkot sa krimen ng paggawa ng crystal meth.
"Mitte brought authenticity to the role and built a platform on disability awareness and inclusion," ayon sa pahayag.
Aktibo rin ang aktor sa ilang organisasyong pangkawanggawa na nangangalap ng pondo at nagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa cerebral palsy at iba pang karamdamang nakaaapekto sa pagkontrol ng mga kalamnan.
Kalaunan, gumanap si Mitte bilang isang high school wrestler na may cerebral palsy sa coming-of-age drama na “Triumph” noong 2021.
Nagsilbi rin siyang tagapagsalita ng Screen Actors Guild para sa mga artistang may kapansanan at celebrity ambassador ng United Cerebral Palsy.-- ulat mula sa Reuters/FRJ GMA News

