Kung tutuusin, ang buong pamilya ang nailigtas ng hero dog na si "Princess," at hindi lang ang kaniyang batang amo na naiwan at binalikan sa nasusunog nilang bahay sa General Santos City.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Ruel Dela Fuente, na dakong 2:00 am noong nakaraang linggo nang mangyari ang sunog sa Barangay Calumpang.

Natutulog na ang pamilya at nagising daw si Ruel dahil sa walang tigil na pagtahol ni Princess, isang Belgian Malinois, na kahit malaki na ay apat na buwang gulang pa lang.

Nang sandaling iyon, ang bahay pa lang ng kanilang kapitbahay ang nasusunog. Ayon kay Ruel, ginising niya ang kaniyang mga kasama sa bahay at lumabas siya para tumulong sa pag-apula ng apoy sa bahay ng kanilang kapitbahay.

Ginising naman ng nanay ni Ruel ang kaniyang mga apo at inilabas ng bahay. Pero hindi nito napansin na naiwan pa ring natutulog ang apat na taong gulang na si Jaysam.

Nang lumaki na ang apoy at bumalik sa labas ng kanilang bahay si Ruel, doon na niya nakita si Princess na patuloy pa rin sa pagtahol. At nang mapansin na wala si Jaysam, bumalik si Ruel sa kanilang bahay at kabuntot pa rin si Princess.

Ayon kay Jaysam na natutulog pa rin sa kuwarto, nagising siya sa tahol ni Princess. Kasunod nito ay inilabas na siya ng kaniyang ama sa nasusunog nilang bahay.

Nang ligtas na ang lahat, saka naman napansin ni Ruel na wala sa likuran niya at hindi nakasunod na makalabas si Princess.

Dahil anak na rin ang turing ni Ruel sa kaniyang alaga, binalikan niya rin ito sa loob pero hindi na niya nakita.

Ilang oras pa ang lumipas bago nila nakita si Princess na nagtamo ng 3rd degree burn sa mukha, mga paa at katawan. Sa tulong ng isang foundation, natustusan ang pagpapagamot sa malubhang mga sugat na tinamo ng aso.

Dahil sa ginawang kabayanihan ni Princess, plano ng lokal na pamahalaan na gawaran siya ng pagkilala kapag lubos na siyang magaling.

Ayon kay Ruel, kahit hindi na maibalik ang dating hitsura ni Princess, ang mahalaga ay mabuhay ito.

At sa unang pagkakataon mula nang madala sa pagamutan si Princess, muling niyang makikita si Jaysam na kaniyang iniligtas. Panoorin sa video ang kanilang pagkikita at alamin ang kalagayan ngayon ng hero dog.--FRJ, GMA Integrated News