Masayang ikinuwento ni Glaiza De Castro ang pagtulong niya sa negosyong coffee shop ng kaniyang mister sa Baler na kung minsan ay naghuhugas siya ng plato.

Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Martes, sinabi ni Glaiza na naging malakas ang Brew Box Baler ng kaniyang mister na si David Rainey nitong nagdaang Semana Santa.

"Minsan makikita ako ng mga tao sa Baler naghuhugas ng plato," masayang sabi ng Kapuso actress.

"'Di pa ako dumadating sa kape pero nagpe-prepare ako ng mga foods," dagdag niya.

Pag-amin ni Glaiza, hindi siya naka-focus noon sa negosyo dahil sa pagiging abala at tutok niya sa kaniyang showbiz career.

Ngayon, nakita na niya na maaari palang gawin kapag wala siyang taping at kapag nasa Baler siya.

"Nung Holy Week po, that was our busiest week and nakita ng tao 'yung struggle ko din kasi I was also trying to help David," kuwento ng aktres.

"Ang sarap din sa experience na ma-overcome ko 'yun na kahit na hindi ako familiar sa ganitong klase ng set-up," sabi pa ni Glaiza.

Bukod sa coffee shop ng kaniyang mister, mayroon ding mina-manage si Glaiza sa Baler na Casa Galura, na bed and breakfast business.

Natutuwa naman si Tito Boy sa tagumpay na nararanasan ni Glaiza na tinawag niyang mabuting tao kaya pinagpapala.

Binigyan din ni Tito Boy ng painting si Glaiza bilang wedding gift sa kasal nila ni David noong 2021 sa Ireland, at muli nitong nakaraang Enero sa Zambales.

Mapapanood si Glaiza sa upcoming GMA Afternoon Prime series na "The Seed of Love," kasama sina Mike Tan, Valerie Concepcion, Boy2 Quizon, at Ashley Rivera. —FRJ, GMA Integrated News