Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes na Pinoy ang kapitan at mga tripulante na nakasakay sa cargo vessel na nasabat sa South Korea na may karga na dalawang toneladang cocaine.Ayon kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, 20 ang Pinoy na tripulante sa barko na iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ng South Korea.Ang nabistong ilegal na droga sa naturang barko ang pinakamalaking drug haul sa kasaysayan ng South Korea.“Ang naiulat ay sa engine room na natagpuan. Eto, kasama na ‘yan sa imbestigasyon kung sino ang mga sangkot, kung meron man kasama sa mga tripulante, kung ano man ang mga detalye, kung nasaan o ano ang mga location at involvement ng bawat tripulante on board,” Cacdac said in an Unang Balita interview.Sa ngayon, sinabi ni Cacdac na mula sa may-ari ng barko ang abogado na kumakatawan sa mga Pinoy crew. Pero magbibigay din umano ng abogado ang pamahalaan ng Pilipinas para mga tripulante at kapitan na mga Pinoy.“Sa ngayon ay sila ay under investigation sa South Korea. Tayo naman ay nakikipag-ugnayan. This morning, makikipag-usap kami sa pamilya and ‘yung pagkakaroon ng abogado on the scene,” anang kalihim.Mahigit 50 kahon ng cocaine ang nakita ng mga awtoridad ng South Korean na nakatago sa mga compartment sa engine room ng M/V Lunita, batay sa ulat ni GMA Integrated News reporter Ian Cruz.Ang US Federal Bureau of Investigation (FBI) at Homeland Security Investigations, ang nagtimbre umano sa awtoridad ng South Korea tungkol sa ipupuslit sa kanila na ilegal na droga.Lumilitaw din sa mga impormasyon na naglayag ang Norwegian-flagged cargo vessel mula sa Mexico at dumaan sa Ecuador, Panama, at China, bago tumigil sa South Korea.Hindi pa matiyak kung saan talaga ibabagsak ang mga ilegal na droga.Kinumpirma ng shipping company na J.J Ugland Companies na sila ang may-ari ng barko. Mga galing naman sa Pilipinas ang crew na nakasakay dito.“[I]t is unclear how the drugs came aboard our vessel. We are working with relevant authorities to assist in the investigation, both in South Korea and in other affected jurisdictions," ayon sa pahayag ng shipping company. — FRJ, GMA Integrated News