Matapos mabigo sa pag-ibig, isang babae ang nag-self love muna at nakahiligan ang travel goals. Ngunit ang hinahanap niyang organic encounter, nasa kaniyang tour guide lang pala na tatlong beses niyang na-book.

Sa nakaraang episode ng Good News, ipinakilala ang magkasintahang sina Rica Pendon at Kristmar Roberto.

Si Rica, 29-anyos, ay mula sa Sultan Kudarat, na “connection deprived.”

“Bale work from home po ako. Wala akong interaction with other people. Halos every weekend ay lumalabas ako. 'Yung nagjo-joiner po ako sa mga travel,” kuwento ni Rica.

Minsan na ring na-heartbroken o sugatan ang puso ni Rica. Bigo siya sa mga naka-date niya sa dating app at hindi rin sumakses sa long distance relationship o LDR.

“Pinoy po din siya pero never po kami nag-meet in person so very complicated po nu’ng situation,” sabi niya.

Magmula noon, hindi na muna naghanap ng bagong pag-ibig si Rica at binigyan ng pagkakataon ang sarili na magawa ang kaniyang travel goals.

Pero noong nasa Siargao siya, hindi tumatak kay Rica ang mga magagandang tanawin, kundi ang nakilala niyang tour guide na si Kristmar, 30-anyos.

“Doon ko nakilala si Kristmar tapos sabi niya sa akin hindi daw siya umiinom. Na-catch 'yung attention ko sa gano'ng type. Napasabi din ako sa kaniya, ‘pag magkaka-jowa ako ulit, gusto ko same sa ugali mo,” sabi ni Rica.

Matapos ang Siargao trip ni Rica, nag-spontaneous travel naman siyang mag-isa sa Buda, Davao City.

Tila tadhana na ang kumilos dahil ang kaniyang tour guide sa susunod na travel, si Kristmar na naman.

“Hindi ko ini-expect na siya pa rin pala 'yung tour guide sa travel na ‘yun. Doon sa tour na 'yun, naging close ulit kami. Parang mas nakilala namin 'yung isa't isa,” anang dalaga.

Si Kristmar naman, nanggaling sa isang failed long-distance relationship. Mula sa Maynila, umuwi siya ng Mindanao at sumabak agad sa pagtu-tour guide.

Dahil araw-araw magkasama sina Rica at Kristmar sa biyahe, naging magkalapit ang loob nila.

“One year din akong single noon nu'ng nagkakilala kami ni Rica,” ani Kristmar.

Para magtuloy-tuloy ang kanilang komunikasyon, ipinadadala ni Rica ang mga larawan kay Kristmar mula sa kaniyang phone.

Ito na ang simula ng pag-ibig para kina Kristmar at Rica.

“After three weeks, nag-book po ulit ako ng tour which is papuntang Bukidnon naman and unexpectedly ulit siya na naman 'yung tour guide,” ani Rica.

Makalipas ang mahabang tour, naging opisyal nang magkasintahan sina Kristmar at Rica.

“Wala namang tutol po. Napakilala niya naman ako sa parents niya and then sa pamilya ko din po,” sabi ni Kristmar.

Makaraan ang isang taong relasyon, nag-propose na si Kristmar kay Rica, at nakuha ng binata ang matamis na oo ng dalaga.

“Pinag-pray ko po talaga siya,” ani Kristmar.

“Sa span na magkasama kami, naiintindihan niya ako. Nasasabayan niya 'yung moods ko and very patient siya, very maalaga,” sabi naman ni Rica.

Pebrero 10 nang ikasal na sina Rica at Kristmar.

“Samahan mo ako na mag-grind sa buhay para makamit natin 'yung mga dreams natin together,” mensahe ni Rica sa asawa na ngayong si Kristmar.

“Mahal na mahal kita. Gagawin ko ang lahat para mabuo nang maayos ang ating pamilya,” mensahe naman ni Kristmar sa kaniyang misis. – FRJ GMA News