Kung bibigyan ng pagkakataon, kakasa kaya si Eman Bacosa Pacquiao sa isang boxing match laban sa kaniyang kapatid na si Jimuel Pacquiao. Ang mga anak na ito ni Manny Pacquiao, kapuwa galing sa panalo sa kani-kanilang laban.

Sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Huwebes, kinumusta ni Tito Boy si Eman tungkol sa relasyon nila ni Jimuel.

“Ayos naman po. Support po ako sa career niya,” sabi ni Eman.

Ngunit paglilinaw niya, hindi niya ngayon ito masyadong nakakausap dahil busy sa Amerika.

Tinanong ni Tito Boy si Eman kung tatanggapin niya ang isang hamon na labanan si Jimuel sa isang boxing ring.

“Unang una, hindi po. Kasi kapatid ko po siya. Tsaka wala naman pong kasiyahan na mangyari du’n, kung matalo man o manalo ka sa kapatid mo,” sabi niya.

“Siyempre, ayaw din ‘yun ni dad. Ayoko rin masaktan si daddy du’n,” dagdag ni Eman, na inilahad ang pagmamahal sa kaniyang kuya.

“Tsaka, I really love you kuya,” mensahe ni Eman kay Jimuel.

Inilahad naman ni Eman na pinapangarap niyang makakuha ng mga titulo mula sa World Boxing Council at World Boxing Association, bagay na nagawa ng kaniyang amang si Manny.

Napanonood si Eman sa “Never Say Die,” kasama sina Jillian, David Licauco, Raheel Bhyria, at Kim Ji Soo ng 8:50 p.m. sa GMA Prime. -- FRJ GMA News