Isang senior citizen ang nanalo ng P10 milyong jackpot prize sa 6/42 Lotto draw. Labis itong ikinatuwa ng lolo dahil magagamit niya ang premyo para maipagamot ang kaniyang apo.

Sa isang pahayag na inilabas ng Philippines Charity Sweepstakes Office (PCSO), nakasaad na nanalo ang lolo na mula sa Angeles City, Pampanga, noong March 28 draw, na ang lumabas na winning numbers ay 11-23-09-05-01-03.

Tumagal na umano ng 30 taon sa pagtaya sa lotto ang lucky winner, at mga “alagang” numero ang kaniyang tinatayaan na kombinasyon ng mga petsa ng kaarawan at mahahalagang pangyayari sa kaniyang buhay.

Upang matiyak na makakataya siya sa buong linggo, nag-a-advance din umano ang lucky winner sa kaniyang pagtaya para sa naturang alaga niyang kombinasyon ng mga numero.

Dagdag sa kasiyahan ng lolo ang kaniyang pagkapanalo dahil nangyari ito sa panahon na kailangan nilang maipagamot ang kaniyang apo. – FRJ GMA News