Nanalo ang isang ginang ng P10 milyon jackpot prize sa Lotto 6/42 draw noong April 7, 2026. Ang kaniyang taya, isang kombinasyon lang ng mga numero na nagkakahalaga ng P25.00.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), sinabing Lucky Pick (LP), o makina ang pumili ng mga numero na tinayaan ng 50-anyos na ginang, at lumabas sa naturang draw: 06-37-23-02-39-31.
Idinagdag pa na 10 taon na umanong tumataya ng lotto ang ginang na mula sa Cagayan de Oro City.
Kasama umano ng ginang ang kaniyang anak nang magtungo sa tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong nang kubrahin nito ang kaniyang premyo.
Nang ibigay na sa ginang ang premyo, pinayuhan ni PCSO General Manager Mel Robles ang lucky winner na maging matalino sa paggamit ng kaniyang napanalunan, at palaguin sa pamamagitan ng pagnenegosyo.
Inihayag naman umano ng ginang na prayoridad niyang paggamitan ng pera ang magkaroon ng sariling bahay ang kaniyang pamilya.
Gagamitin niya ang premyo para sa maliit na negosyo at pantustos sa pag-aaral ng kaniyang mga anak.—FRJ GMA News

