Isang batang lalaki na dalawang-taong-gulang ang sugatan matapos siyang masalpok ng motorsiklo sa Barangay Holy Spirit, Quezon City. Ang tumakas na rider na walang suot na helmet, napag-alaman na wala ring lisensiya para magmaneho.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera ang pagtakbo ng bata habang tumatawid na makitid na kalsada. Bigla namang dumating ang motorsiklo na mabilis ang takbo at nasalpok nito ang bata. Sa lakas ng pagkakasalpok, tumilapon ng ilang metro ang biktima.
Nilingon lang ng rider ang nakahandusay na bata at dumiretso sa pag-arangkada.
Naka-online duty umano noon ang ina ng bata nang maganap ang aksidente.
“Actually, naka-duty ako noon kasi online 'yung trabaho ko. 'Yung mga anak ko, nagpaalam po silang lalabas kasama po 'yung mga pinsan nila. Noon nakita ko 'yun. 'yung una, nararamdaman ko sakit. Tapos pagsisisi, kasi bakit nasa trabaho ako noong oras na ‘yun? Bakit hindi ako nagbabantay ng anak ko? Bakit nangyari ‘yun sa kaniya? Bakit siya tinakbuhan?” sabi ng ina ng biktima.
Agad isinugod sa ospital ang bata, na ginamot at ligtas nang nakauwi sa bahay.
Binalikan ng pamilya ng bata ang CCTV sa lugar upang mahanap ang nakabanggang rider.
Kalaunan, natunton ang 27-anyos na rider sa bahay niya sa Barangay Holy Spirit sa tulong ng mga tauhan ng barangay.
“Napag-alaman na wala nga pong lisensiya. Hiniram 'yung motor, hindi po sa kaniya. Hindi siya nagmamay-ari ng motor,” sabi ni Ramero Vargas, Duty Officer ng Barangay Holy Spirit.
Umamin ang rider na wala siyang lisensiya, na sinabing ipapa-car wash lang sana niya ang motorsiklo ng kaibigan.
Hindi raw niya sinasadyang masalpok ang bata.
“Blind spot po kasi 'yun. Biglang tumawid po 'yung bata. First time ko lang po kasi mangyari kaya po natakbuhan ko nga po. Hindi ko naman ginusto rin 'yung nangyari. Medyo natakot po kasi ako, marami pong tambay. Feel ko po baka kuyogin po ako. Humihingi po ako ng pasensiya sa magulang,” sabi ng nakabanggang rider.
Sinampahan na ang rider ng reklamong reckless imprudence resulting in slight physical injuries, abandonment of one's own victim, at driving without a license. – Jamil Santos/FRJ GMA News
