Isang Mindanao treeshrew,na endemic mammal na kilala sa tawag na “tingkolit,” ang nakita sa Mt. Apo Natural Park sa isinagawang Biodiversity Monitoring System survey.
Sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing naidokumento ng mga tauhan ng parke at mga student trainee mula sa University of Southern Mindanao, ang naturang species gamit ang mga box trap na dinisenyo para sa maliliit at hindi lumilipad na mammal.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources-SOCCSKSARGEN, dati nang namataan ang tingkolit sa mababang montane forest bago ito naitala sa isang mid-montane area sa ibang monitoring site.
Sinabi ng DENR-12 na ipinapakita rito na maaaring naninirahan ang naturang species sa mas mataas na parte ng kabundukan kaysa sa naunang naitala.
“The finding points to the species’ adaptability and highlights the importance of continued field monitoring across varying forest zones,” ayon sa DENR-12.
Ang Mindanao treeshrew ay isang mammal na aktibo sa araw at kumakain ng mga insekto, prutas, at maliliit na invertebrate. Mahalaga ang papel nito sa kalikasan upang makontrol ang populasyon ng mga insekto at tagapagkalat ng mga binhi.
Tumutulong din sila na muling pagbuhay sa kagubatan at pagpapanatili ng balanse ng ecosystem.
“The continued presence of the tingkolit remains an important indicator of a healthy and functioning forest ecosystem in Mt. Apo Natural Park,” sabi pa ng DENR-12.—FRJ GMA News

