Mino-monitor sa loob ng detention facility ang galaw ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang matandang nakadetine na may mataas na panganib na matumba bunsod ng kanyang edad at ilang malalang pisikal na karamdaman, ayon sa International Criminal Court (ICC) Registry.

Sa isang pitong pahinang dokumento na may petsang Mayo 20, sinabi ng ICC Registry na walang naitalang pagkatumba si Duterte sa nakalipas na 30 araw.

Hindi rin umano sila maaaring magbigay ng detalye tungkol sa kainyang mga chronic condition dahil sa confidentiality.

“Regarding his loss of balance, the [medical officer] and Mr. Duterte’s medical specialists are responsible for assessments that are on a medical level,” saad sa dokumento.

“From the perspective of management and operational security, Mr. Duterte’s movements are consistent with his age and mobility,” dagdag pa nito.

Nauna nang sinabi ng ICC Registry na sa mga “rare occasion” o bihirang pagkakataon na natutumba si Duterte, kaagad naman siyang tinutulungan ng ICC detention center custody staff at ipinapatawag ang medical team upang magsagawa ng pagsusuri.

“Following these rare events, adjustments have been made to his cell, to better accommodate his comfort and movement, and are adjusted as needed,” ayon sa ICC Registry.

Samantala, sinabi rin ng ICC Registry na gumawa sila ng ergonomic adjustments sa paglalagay ng mga gamit sa kaniyang selda at maging sa visiting rooms upang magkaroon siya ng mas maluwag at mas ligtas na paggalaw.

“The Registry recalls that the medical record is available to Mr Duterte and therefore his Defence team, and the continual medical care of Mr Duterte remains assured and under constant attention,” ayon sa report.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa ICC detention facility sa The Hague dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng murder at attempted murder dahil sa umano’y mga pagpatay sa kaniyang war on drugs campaign noong alkalde pa siya ng Davao at nang maging pangulo ng bansa.

Mariin naman niyang itinanggi ang mga paratang laban sa kaniya. — Joahna Lei Casilao/FRJ GMA News