Sapul sa CCTV camera ang modus na pananalisi ng isang lalaki at isang babae para matangay nila ang cellphone ng isang babae na nagkakahalaga ng P50,000 sa loob ng isang fast food restaurant sa Tondo, Maynila. Ang P20,000 na halaga sa e-wallet ng biktima, sinimot din ng mga kawatan. Ang taktika ng tandem na suspek, alamin para ‘di maging biktima.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV footage ng kainan ang isang babaeng nakatayo, na kinakausap ang isa namang babaeng nakaupo sa harap ng lamesa nitong Huwebes.
Ilang saglit pa, isang lalaking naka-blue ang umupo sa katabing upuan. Habang nag-uusap ang mga babae, nakakuha ng tiyempo ang lalaking para masungkit ang cellphone na nasa lamesa at saka mabilis na lumabas ng kainan.
Ang babae namang nakatayo, umalis na rin nang makuha ng lalaki ang cellphone. Natuklasan kinalaunan na magkasabwat pala ang dalawa.
Bago ang insidente, makikita ang mga kawatan na nakapuwesto malapit kung saan nakaupo ang magkaibigang sales agent na biktima.
Pagkatayo ng babaeng naka-itim at iniwan sa lamesa ang kaniyang cellphone upang kunin ang order nilang pagkain, doon na kumilos ang mga kawatan, lumapit sa lamesa ng naiwang sales agent, na kanilang sinalisihan.
Ayon sa babaeng nakaupo, nagtanong ng direksyon ang babaeng kawatan na nakita sa CCTV na nakatayo. Hindi niya naman napansin na iniwan pala ng kaniyang kaibigan ang cellphone nito sa lamesa.
“Nagtatanong kung saan daw papuntang Pritil. Akala ko din po dayo siya kaya sinagot ko po ng maayos, ‘yun pala salisi na pala ‘yon,” sabi ni Romilyn Perez, sales agent, na kinausap ng mga salarin.
Na-track pa nila ang cellphone gamit ang app, hanggang sa Jacinto Street na ilang metro lang mula sa kainan. Sinubukan nila itong puntahan pero naputol na ang GPS.
Aabot umano sa P50,000 ang halaga ng natangay na cellphone. Na-access din ng mga kawatan ang mga e-wallet ng may-ari ng cellphone at nasimot ang laman na aabot sa P20,000.
“‘Yung pera po kasi kailangan din po kasi namin ‘yun since uuwi din kami ng province, so 'yun po, kasi wala na rin po talagang natira sa akin, 'yun lang po talaga,” sabi ni Kristell Mae Pausanos, biktimang sales agent.
Nagbigay na rin ng babala si Pausanos sa kaniyang mga kliyente na baka padalhan ng mensahe ng mga kawatan.
“‘Pag may nag-message sa inyo tapos gamit po ‘yung pangalan ko, huwag niyo na lang pong replyan… baka hingian po kayo ng pera or kahit ano po,” sabi ni Pausanos.
Naiulat na ng biktima sa mga awtoridad ang insidente.
“Karamihan po kasi ng nananalisi diyan po sa mga fast food o kaya sa mga mall po, kailangan po talaga doble ingat po,” sabi ni Kagawad Luz Lacsamana ng Barangay 94.
Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking sa mga CCTV para matunton ang mga salarin. – Jamil Santos/FRJ GMA News
