Dinumog ng mga residente sa isang barangay sa Glan, Sarangani ang relief goods gaya ng tubig at bigas matapos ang nangyaring magnitude 7.8 na lindol ang Mindanao nitong Lunes.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang pagtakbo ng mga residente sa pagdating ng relief goods sa barangay Tango sa bayan ng Glan.

Pang-apat na araw nang nakararanas ng hirap ang mga residente sa kanilang mga pangunahing pangangailangan lalo na ang mga lugar na mahirap puntahan dahil sa pagkasira ng mga daan.

Si Evangeline Ugong, residente ng Brgy. Tango, dalawang araw nang hawak ang iisang bote ng tubig.

“Basta mabasa na lang ‘yung bibig namin sa tubig, okay na sa amin,” sabi ni Ugong.

Tuloy-tuloy na ang biyahe mula General Santos City hanggang Poblacion ng Glan, Sarangani makaraan ang magdamagang pagsasaayos ng DPWH. Nakatawid na hanggang sa Poblacion ang limang truck ng DSWD dala-dala ang relief goods.

Gayunman, humihingi pa rin ng tulong ang ilang residente sa gilid ng kalsada dahil hindi sila makapunta sa Poblacion dahil wala nang gasolina ang kanilang mga motorsiklo at masyadong malayo para lakarin.

Aabutin naman ng P100 ang balikang pamasahe.

“Kailangan po namin 'yung tubig. 'yung DPWL po, ang lumalabas ay putik na,” sabi ni Benicar Malasan, residente ng Barangay Tango.

“‘Yung mga barangay captains natin nagpuntahan na. So we have started already distributing relief goods to the barangays,” sabi ni Mayor James Victor Yap Sr. ng Glan, Sarangani.

Bahagyang bukas na ang isang parte ng highway na nagka-landslide kaya na-isolate mula sa Poblacion at hindi mapuntahan ang walong barangay.

Bago nito, kailangan lakarin ang mabatong baybayin para malampasan ang landslide at maabot ang walong barangay.

“I have to check the school kung anong situation kasi nanghihingi ng detalye 'yung DepEd para ma-assist kung puwede pa bang pasukan ng mga bata,” sabi ni Margie Morales, principal ng Leonard Young National High School sa Barangay Big Margus.

Ginagamit ng halos 1,600 na high school students ang apat na gusali ng Leonard Young National High School. Ngunit batay sa obserbasyon ng mga guro, bahagyang lumubog ang mga ito at tumabingi.

Nanawagan silang magsagawa ng inspection ang isang structural engineer upang makita kung ligtas pang gamitin ito ng mga estudyante.

Sa Barangay Small Margus, gumuho ang mahigit 200 bahay kaya hindi na matirahan ang karamihan sa gilid ng dagat, ayon sa kapitan ng barangay.

Mga trapal ang ginamit na pansamantalang silungan ng ilan.

“Ang kuryente nito wala na, okay lang ‘yun. Kahit matagal pa ang kuryente 'yung pagkain lang, tubig at saka madaanan namin ang mga bahay sa mga tao na tinitirahan,” sabi ni Capt. Roldan Daquigan ng Barangay Small Margus.

Walang mapagkakitaan ang maraming residente matapos maapektuhan ng landslide ang karamihan sa kanilang mga tanim sa bukid at hindi makapaglayag ang mga mangingisda.

“Ang fuel hindi na makapasok dito ma'am. Kaya mga mangingisda namin ma'am kailangan ng fuel kay sa makina walang fuel. Kahit ngayon ma'am, mga motor namin stand-by na kaya wala na nagbenta, wala na, hindi man makapasok,” sabi ni Daquigan.

Sinabi ni Mayor Yap na madaraanan na ang isang lane ng highway at mauumpisahan na ang paghatid sa kanila ng tulong.

Sinabi ng DSWD, mahigit 80,000 pamilya ang apektado ng lindol sa mahigit 300 barangay.

Tumulong ang Philippine Air Force sa pag-airlift ng tulong sa mga lugar na hirap abutin gaya ng Glan at Balut Island.

Ilang volunteer truck din ang tumulong mula sa pribadong sektor.

“We have already released a total of 20,780 family food boxes and 1,546 combination of non-food items,” sabi ni Asec. Leo Quintilla, resource and logistics management, DSWD.

Gumamit din ng helicopter upang maghatid ng tulong sa tatlong isolated na barangay sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.

Samantala, sa labas pa rin natutulog ang ilang residente na nawasak ang tahanan sa Balut Island.

Sa General Santos City, nakuha na ang tatlong empleyadong natabunan sa gumuhong supermarket. – Jamil Santos/FRJGMA News