Nagpaliwanag si Chariz Solomon tungkol sa pagkalaglag niya sa bulaklak at maluwag na korona nang tanghaling siya na isa sa Mrs. Universe Philippines 2026 Queen Ambassadress. Ayon sa aktres, hindi niyang sinadyang bitawan ang bulaklak.

"Kasi akala nila 'yung bulaklak purposely binitawan ko. Kasi daw tsararat," panimula ni Chariz nang tanungin ni Buboy Villar tungkol sa isyu sa nakaraang episode ng "Your Honor."

Pinabulaanan niyang hindi niya ito nagustuhan kaya niyang binitawan.

"Ako naman, wala akong pakialam. Binigyan ako ng bulaklak. Masaya ako doon. I appreciate that, and for inviting me and giving me an achievement, a recognition. Masaya ako doon," ani Chariz.

Ngunit paliwanag ni Chariz, may mahabang foam na pinagtutusukan ang mga bulaklak, at nagkataon lamang na dumulas ito.

"May velvet 'yung gown ko dito. Nilagay sa akin dito (kaniyang mga braso). Dumulas! So dahil sobrang sikip ng corset ko. Hindi (ako makayuko). So hinayaan ko na lang. So dinampot ulit ng isang bosing," kuwento pa niya.

Pagdating naman sa korona, una na raw napansin ni Chariz Solomon na maluwag ang kaniyang korona kaya niya ito in-adjust.

"Noong ako na, walang nag-adjust. Sinong mag-a-adjust? 'Di ba? Iniwan nila ako sa kanal . So in-adjust ko mag-isa ko," sabi niya.

Kalaunan, nakita ito ni Mrs. Universe Philippines President and National Director Charo Calalo kaya in-adjust ito kay Chariz.

“Noong ginanu’n niya (adjust), nag-iba ‘yung anggulo. ‘Sige lakad ka,’ mag-forward daw. Pag-forward ko, nalaglag din,” kuwento niya.

Lumusot sa ulo niya ang korona at tumama malapit sa kaniyang ilong.

“Ang bigat niya. Sabi niya plastic ‘yung corona wig. Mabigat siya. Maganda siya. It's a custom crown,” patuloy niya.

Biro ng guest na si Donita Nose na kung nalaglag ang crown sa ulo ng isang babae, ibig sabihin nitong maganda siya dahil maliit ang kaniyang mukha.

“Mga artista kasi talaga ‘pag magaganda, maliit ‘yung mukha talaga,” sabi ni Donita.

Hirit na biro naman ni Chariz, “So mas maganda ako kay Nathalie Hart? Kasi hindi nalaglag ‘yung kaniya,” ani Chariz. – FRJ GMA News