Sugatan ang isang 28-anyos na babae matapos siyang mabundol at pumailalim sa isang truck sa Osmeña Highway sa Maynila. Ang biktima, hinabol umano ang isang jeepney para makasakay at makasama ang dalawang lalaki na ka-grupo niya.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa CCTV footage ang mabilis na pag-arangkada ng pampasaherong jeepney dakong 2:00 am kahit ang kabilang bahagi ng kalsada ang naka-green light.
Makikita na nakaalpas ang jeep sa dadaanan ng truck, at siya namang biglang pagsulpot ng babae na nahagip ng truck at pumailalim.
Naiwang nakahandusay sa gitna ng kalsada ang biktima, habang nagtuloy-tuloy lang sa pagbiyahe ang truck.
Isinugod ang babae sa ospital at patuloy siyang inoobserbahan dahil sa mga pinsalang tinamo sa katawan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pinagtripan umano ng grupo ng babae ang driver na jeep kaya pinatakbo nito ang sasakyan kahit naka-red light ang linya niya.
“Nakursunadahan lang siya habang nakahinto yung kaniyang sasakyan doon. Sa takot niya. Pinaharurot niya yung kaniyang jeep kahit na naka-red light pa,” ayon kay Manila Police District spokesperson Police Major Philipp Ines.
“At ito namang biktima natin, humahabol na makasakay doon sa jeep at makasama doon sa mga kagrupo niya, kaya lang dahil doon sa Osmena highway naka-green light o naka-go yung signal light, dire-diretso yung truck at hindi siya napansin,”
Hinahanap pa ng mga awtoridad ang driver ng truck dahil sa pag-iwan nito sa biktima, at posible siyang maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in physical injuries.
Samantala, nagsampa naman ang jeepney driver ng reklamong physical injuries laban sa dalawang lalaki na kasama ng biktima dahil umano sa pananakit na ginawa sa kaniya.
Natukoy na umano ng pulisya ang pagkakakilanlan ng dalawa na parehong 18-anyos, at patuloy pa imbestigasyon sa insidente.— FRJ GMA News
