Ikinasal na ang aktres na si Bea Alonzo at negosyante niyang nobyo na si Vincent Co sa isang intimate civil wedding ceremony nitong Lunes. Bakit nga ba nauuso ngayon ang mga elopement o intimate wedding ceremony?

Sa kaniyang guesting sa “Unang Hirit” nitong Huwebes, ipinaliwanag ng relationship consultant na si Maribel Dionisio na posibleng nagsimula rin na gawin ito ng mga ikinakasal noong panahon ng COVID-19, kung saan napagtanto ng mga tao na puwede naman pala na tatlo hanggang 10 lang ang mga guest at hindi kinakailangang gumastos nang malaki.

Bawas stress din ito mula sa mga kaanak na nais makapunta.

“And of course, to get away from the stress, from the family dynamics, and focus on each other, on marriage and intimacy,” sabi niya.

Ibinahagi naman ni Dionisio ang pros at cons ng isang intimate wedding.

“Siyempre 'yung pros, you get what you want. Yes. May mga plano tayo, gusto natin 'yung small, hindi natin type 'yung malaki, at tsaka 'yung tao dito, 'yung focus on the vows, and the meaning of the marriage,” sabi niya.

Hindi naman maitatangging posibleng madismaya ang mga magulang kung hindi imbitado ang lahat.

Siyempre 'yung cons diyan, may magagalit, lalo na sa kanila, 'yung mga fans, 'yung mga magulang, mga mga kaibigan.”

Payo ni Dionisio, puwede namang magsagawa ng mga party pagkatapos ng kasal. “But at least, they had that focal point, na sila lang dalawa, na special,” sabi niya.

Tungkol naman sa prenuptial agreement, mahalagang mapag-usapan na ito bago ang engagement, para maging maliwanag ang mga bagay-bagay.

“Pero sana pag-usapan bagong mag-engage. Kasi baka mag-break pa 'yung engagement, because maraming mga, siguro dagdag ni nanay, ni tatay. So you want to clarify things, and it's important na naka-clarify,” sabi ni Dionisio.

“Kaya sabi namin, 'yung marriage preparation is important. Para klaro, ‘Ano bang klaseng buhay mag-asawa gusto natin? Will we live on our own? Will we be independent? Ano ba 'yung role ng parents and in-laws in our life?’” dagdag niya.

Idiniin ni Dionisio na dapat ang couple ang nagdedesisyon ng kanilang kasal, at naroon ang “intentionality” sa buhay-may asawa at sa kanilang relasyon.

“Ang magpaplano, 'yung nagbabalak, the bride and the groom, you decide. Ano 'yung gusto niyo. Kung anong gusto ng magulang nyo, 'yung madla, bahala na sila. Inform them one or two days beforehand. Wala na silang masasabi. Prepare yourselves na magagalit. Pero sabihin niyo na lang, ‘Ito 'yung gusto namin eh,’” paliwanag niya.—FRJ GMA News