Pumaldo ng mahigit P57 milyon ang P25 na itinaya ng isang lalaki para sa ticket na isang kombinasyon lang ng mga numero na pinili sa pamamagitan ng Lucky Pick sa Lotto 6/42 draw noong July 2, 2026.
Sa inilabas na pahayag ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakailan, sinabing kinubra na ng lucky winner ang kaniyang premyo sa main office ng ahensiya.
Isang senior citizen na mula umano sa Pila, Laguna ang masuwerteng mananaya, na tumama ng P57,645,619.60 jackpot prize para sa 6/42 draw, na ginanap noong July 2, 2026. Ang lumabas na mga numero ay 29-09-31-33-19-24.
Ayon sa pahayag, isang kombinasyon lang ng mga numero ang tinayaan ng lucky winner sa pamamagitan ng Lucky Pick (makina ang pumili ng mga numero), na nagkakahalaga ng P25 para sa isang taya.
Kuwento umano ng lucky winner, tumataya lang siya sa lotto kung may sobrang pera. Nang araw na tumaya siya, bibili lang umano siya ng pagkain nang maisipan niya pumunta muna sa isang lotto outlet.
“Hindi po ako makagalaw. Hindi ako makapaniwala. Totoo palang may nananalo sa lotto,” saad umano ng lucky winner nang makita niyang tumama ang kaniyang ticket.
Dahil nangungupahan umano ngayon ang lucky winner, plano niyang bumili ng bahay at lupa. Gagamitin din umano niya ang napanalunan para sa kaniyang anak, tulungan ang mga kapatid, at magnegosyo. – FRJ GMA News

