Namatay ang isang apat na taong gulang na lalaki sa General Santos City mahigit isang buwan matapos umano itong makagat ng isang asong-gala na pinaniniwalaang may rabies. Ipinagtataka ng magulang ng bata kung bakit pumanaw ang kanilang anak gayung nabigyan naman ito ng bakuna laban sa rabies.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing pumanaw ang bata na residente ng Barangay Sinawal, mahigit isang buwan matapos siyang atakihin ng aso noong Hulyo 9.
Kasama umano ng bata ang kaniyang ina na bumibili ng pagkain nang mangyari ang insidente.
Nagtamo ang bata ng mga sugat mula sa kagat ng aso sa kaniyang mukha at tainga.
Agad din siyang dinala sa ospital kung saan nilinis at tinahi ang kaniyang mga sugat. Binigyan din siya ng bakuna laban sa tetanus.
Isang araw matapos ibigay ang tetanus shot, ibinigay naman sa bata ang unang dose ng bakuna laban sa rabies.
Pero matapos na ibigay ang ikatlong dose ng anti-rabies shot, nakitaan umano ng sintomas ng epekto ng rabies ang bata.
Kuwento ni Marlyn na ina ng bata, July 17 ang huling turok ng anti-rabies shot sa kaniyang anak.
Inakala umano niyang magiging maayos na ang lahat dahil malakas ang bata at walang nararamdaman. Pero sagsapit ng tanghali noong Agosto 6, dumaing umano ang bata ng pananakit ng tiyan.
Matapos painumin ng gamot, nawala na umano ang sakit pagsapit ng 6:00 ng gabi. Subalit ilang oras lang ang nakalipas, nagsimula nang matakot sa tubig ang bata.
Patuloy ng ginang, dinala nila sa ospital ang anak kinabukasan pero nagsimula na rin siyang matakot sa hangin. Inilagay na umano sa isolation room ang bata at nilagyan ng dextrose.
Sa sumunod na araw, pumanaw na ang bata at kaagad ding ipinalibing.
Ipinagtataka ang pamilya kung bakit nangyari ito sa bata kahit pa naturukan siya ng anti-rabies vaccines.
Ayon sa ospital kung saan na-admit ang bata, karaniwang apat na dose ng bakuna ang ibinibigay sa nakagat ng aso ngunit hindi na umabot sa huling dose ang pasyente. Nagkaroon din siya ng sugat mula sa kagat ng aso na malapit sa kaniyang ulo.
”Unfortunately, umabot siya ng third dose pero hindi na siya umabot ng fourth dose. We categorize yung mga sugat or kagat ng aso… sa pasyente, Category 3… masyado nang malapit sa ulo. Meron tayong ibinibigay na immunuglobilin, which is active yung ibinigay na bakuna,” ayon kay Dr. Jeorge P. Royeca City Hospital Chief, Dr. Ryan Oscar Aplicador.
Kinuwestiyon naman ng ama ng bata ang umano’y pagkaantala sa pagbibigay ng bakuna ng anti-rabies.
“Ngano pa mang ila pang gipa-delay ang pag-inject sa bata nga pinaakan man unta sa iro? Emergency gayod to, balaha’g maulahi na lang tong anti-tetanus, ma-inject lang unta… sakit mawad-an og anak,” saad ng ama.
Sinabi ng ospital na ginamot ang bata sa emergency room noong gabi ng Hulyo 9 at pinayuhang bumalik kinabukasan para sa pagbabakuna.
“Dumating siya July 9 ng gabi and napauwi at the same night. Ibig sabihin, meron kaming ginagawa sa emergency room na dapat naasikaso yung mga pasyente within 4 to 6 hours. ‘Yung pasyente, by record, nalinis yung sugat, natahi yung sugat, nabigyan ng siya ng anti-biotic, nabigyan siya ng anti-tetanus, and napauwi natin siya on the same night and to come back for the vaccination in the morning. Technically, nabigay namin ang bakuna within the day na,” ani Aplicador.
Hindi rin umano expired ang bakuna na ibinigay sa bata.
“We remain with the advice na kapag nakagat kayo ng aso or pusa, na-scratch kayo ng aso o pusa, you really have to do consultation. Kina-categorize ang ating patients kung 1, 2 and 3, kung kinakailangan pa ba kayong mabakunahan o hindi,” sabi ni Aplicador.
Matapos ang insidente, hinahanap na ng City Veterinary Office ang aso na nakakagat sa bata, at pinabakunahan ang mga aso sa barangay. – FRJ GMA News
