Hinangaan ng netizens ang isang senior citizen matapos mag-viral ang kaniyang larawan kamakailan na makikitang mano-mano niyang inaalis [gamit ang kamay] ang mga basurang bumabara sa mga kanal sa Maynila. Ginawa niya iyon sa gitna ng sunod-sunod na malakas na buhos ng ulan.

Sa nakaraang episode ng “Good News,” natagpuan ng programa sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue at Victoria Street sa Maynila ang 62-anyos na senior citizen na si Tatay Vicente Banuelos.

Ayon kay Tatay Vicente, sa halip na sumilong, hindi siya nagdalawang-isip na suungin ang masamang panahon para alisin ang mga nakabarang basura sa mga kanal.

Aniya, dati na niya itong ginagawa.

“Alam ko na kasi matagal na ako rito kaya alam ko na 'yung drainage, 'yung mga manhole, ‘pag nabarahan, hindi na aagos 'yung tubig. Kaya nagboboluntaryo na lang ako, nililinis ko, inaalis ko 'yung bara,” sabi ni Tatay Vicente.

Dahil sa pagkilos ni Tatay Vicente, nadiskubre niyang humuhupa agad sa loob lamang ng kalahating oras ang baha na karaniwang tumatagal ng ilang oras.

“Kaya kung magkabuhol-buhol ang traffic tapos minsan may tumitirik pa diyan, naaabala pa sila,” sabi niya.

Kusang-loob na ginawa ni Tatay Vicente ang paglilinis niya sa mga kanal, kahit na hindi siya empleyado ng gobyerno o street sweeper na may sahod.

Sa likod nito, ang mga kalsada sa Maynila na ang nagsisilbi niyang tahanan sa loob ng 38 taon.

“Dito lang ako (pedicab) nagpapahinga tsaka paminsan dito ako natutulog. Thirty-eight years na ako dito eh, nagtitinda lang ng golf ball,” sabi ni Tatay Vicente, na mag-isa na lang sa buhay, at nasa Laguna ang kaniyang mga kamag-anak.

Para may pangtustos sa pang-araw-araw, nagbebenta si Tatay Vicente ng golf ball sa labas ng isang golf course sa Intramuros sa halagang P200 kada balot.

Gayunman, kinakapos siya kapag walang naglalaro at walang benta ng mga bola kapag madalas ang pag-ulan.

Sa ganitong pagkakataon, nangungutang muna si Tatay Vicente, at hindi na niya mabilang ang halaga ng kaniyang nahiram para may pambili siya ng pagkain.

“Napakasaya 'yung boluntaryo mo na kusang loob mo na gumagawa ka ng ganiyan lang. Masaya talaga sa kalooban,” sabi niya.

Sa kaniyang kalagayan sa buhay, may isa siyang hiling na nais na makamit. Kung ano ito, tunghayan sa video ng “Good News.” Panoorin.—FRJ GMA News