Iniutos ng Malacañang ngayong Lunes sa mga tanggapan ng gobyerno sa National Capital Region (NCR) at ilan pang lalawigan na magpatupad ng alternatibong paraan ng pagtatrabaho sa Martes, Agosto 18, dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Habagat. Suspendido rin ang pasok sa mga paaralan sa mga apektong lugar.
Maliban sa NCR, kasama sa mga lugar na saklaw ng Memorandum Circular No. 128 ay ang:
- - Ilocos Sur
- - La Union
- - Pangasinan
- - Benguet
- - Zambales
- - Bataan
- - Tarlac
- - Pampanga
- - Bulacan
- - Cavite
- - Batangas
- - Rizal
- - Laguna
- - Occidental Mindoro
“Unless otherwise directed by their respective Local Chief Executives, alternative learning modes for classes at all levels in public and private schools shall be implemented in the aforementioned areas," saad sa circular.
Gayunman, magpapatuloy sa operasyon ang mga ahensyang nagbibigay ng pangunahing serbisyo, serbisyong pangkalusugan, at tumutugon sa mga sakuna.
Maaari ding magpatupad ang mga local chief executive ng pagkansela o pagsususpinde ng klase at trabaho sa gobyerno sa mga lugar na hindi nabanggit sa kautusan.
Samantala, nakasaad din sa parehong sirkular na nakasalalay sa pamunuan ng pribadong sektor ang pagsususpinde sa trabaho o pagpapatupad ng alternatibong work arrangements. – FRJ GMA News

