Ninakawan ng bag ang isang lalaking lasing matapos siyang makatulog sa bangketa sa Barangay Loyola Heights, Quezon City. Ang suspek, nadakip kalaunan na dati na ring naaresto sa kasong pagnanakaw at pagsusugal.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV camera ang pagtawid sa kalsada at paglalakad sa bangketa ng suspek.
Lumapit siya sa lalaking nakahiga sa bangketa, na lumitaw sa imbestigasyon na 21-anyos na air-con technician. Sa kaniyang labis na kalasingan, nakatulog siya sa bangketa.
Ang suspek naman, maaaninag sa CCTV video na may kinuha sa nakahigang biktima bago umalis.
Tinangay niya pala ang bag ng biktima na may cellphone at P500 na pera.
“Dahil sa sobrang kalasingan nitong ating biktima, natulog siya doon sa may kalsada sa may Katipunan Avenue. At 'yun nga, nadaanan siya ng suspect, nakita siya doon. At sinamantala na 'yung pagkakataon. Noong nagising 'yung biktima, napansin niya 'yun na nawawala 'yung bag niya, at doon nag-report siya sa ating estasyon,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Maximo Beleo, Anonas Police Station Commander.
Sa tulong ng CCTV camera at ng barangay public safety officer, natukoy ang pagkakakilanlan ng 27-anyos na suspek at pinuntahan sa kaniyang bahay. Gayunman, hindi na narekober ang mga ninakaw.
“Nu’ng pinuntahan po ng mga pulis natin doon sa bahay niya, hindi po siya nag-cooperate, nag-resist po siya. Tinutulak po niya 'yung mga pulis natin na nag-aresto sa kaniya. May tangka po siyang tumakas,” sabi ni Beleo.
Batay sa record ng pulisya, ilang beses nang nadakip ang suspek dahil sa pagnanakaw at pagsusugal. Umamin siya sa krimen.
“Napadaan lang po ako roon. Tapos nakita kong lasing. Dala lang din ng pangangailangan, natukso. Pang-budget-budget, pangkain,” sabi ng suspek.
Sinampahan na ang suspek ng mga reklamong theft at resistance and disobedience to a person in authority.—Jamil Santos/FRJ GMA News
