Ilan pang “kakaibang” pangalan ang lumabas sa mga acknowledgment receipt sa mga transaksyon noon sa confidential fund ng Office of the Vice President (OVP). Kabilang dito ang pangalang Antonio Pagong, Timon Andrew Pusa, at Shane Ngitngit.
Sa Ika-17 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Lunes sa Senate impeachment court, tinanong ng abogado ng prosekusyon na si Atty. Amando Ligutan ang dating special disbursing officer ng OVP na si Gina Acosta, tungkol sa dokumentasyon at beripikasyon ng mga inilabas na confidential fund na ipinatupad ng security officer na si Colonel Raymund Lachica.
Sa isang acknowledgment receipt, nakasaad na tumanggap si Antonio Pagong ng P100,000 para sa “purchase of information.”
Sa isa pang resibo, nakalista si Timon Andrew Pusa na tumanggap ng P100,000, na inilarawan bilang pambayad sa “rental of transport vehicle related to confidential activities.”
Si Xuniso P. Belat, nakatanggap ng P100,000, para sa “purchase of information” din.
Ipinakita rin sa mga dokumento ang iba pang pangalan at transaksyon habang isa-isang sinusuri ni Ligutan ang mga rekord ng confidential fund sa harap ng Senate impeachment court.
Ito ay sina:
- Don Piang - P250000
- May Pamana - P150000
- Shane Ngitngit - 150000
'Di nakita ang pagbibigay ng pera
Tinanong ni Ligutan si Acosta kung personal niyang nakita si Lachica na ibinigay kay Pusa ang P100,000.
“Nakita mo ba siya o hindi?” tanong ni Ligutan.
“Hindi ko siya nakita, Your Honor, kasi wala po ako doon sa ground,” sagot ni Acosta.
Ayon kay Acosta, si Lachica ang security officer na naatasang magsagawa ng mga confidential na aktibidad at siya rin ang nasa ground.
Tinanong din ni Ligutan kung may personal na kaalaman si Acosta kung talagang naibibigay ang pera sa mga taong nakapangalan sa acknowledgment receipts.
“Wala, Your Honor,” tugon ni Acosta.
Sinabi ni Acosta na umasa siya sa mga dokumentong ibinigay ni Lachica at sa mga paliwanag nito sa pagberipika ng mga transaksyon.
“I-verify po ako kay Colonel Lachica, Your Honor. Reliable po ako sa kaniya, Your Honor, kasi siya po ang nag-implement ng mga confidential activities,” dagdag niya.
Inihayag din ni Acosta na awtorisado si Lachica na magsagawa ng mga operasyon at mayroon itong pagsasanay at bihasa para sa naturang trabaho.
Muling iginiit ni Ligutan kung bukod sa mga pahayag ni Lachica at sa mga dokumentong isinumite nito, kung kaya bang patunayan ni Acosta na totoong naibigay ang pera sa mga sinasabing tumanggap nito.
“Wala,” sabi ni Acosta.
Dokumento lang ni Lachica ang hawak
Nauna nang inihayag ni Acosta na mga acknowledgment receipt at hindi mga opisyal na resibo para sa mga transaksyon natanggap niya mula kay Lachica.
Aniya, nagtanong siya tungkol sa ilang dokumento, kabilang ang mga walang nakalagay na petsa o pangalan sa resibo.
Ayon kay Acosta, ipinaliwanag ni Lachica na ang mga dokumentong ibinigay nito ay ang mga resibong available upang suportahan ang confidential transactions. Idinahilan din umano na ang mga operasyon ay may kinalaman sa sensitibo at confidential na impormasyon.
Sinabi ni Acosta na tinanggap niya ang paliwanag ni Lachica dahil ito ang taong nagsagawa ng mga aktibidad sa “ground.”
Patuloy na kinukuwestiyon ng prosekusyon si Acosta tungkol sa kanyang tungkulin bilang special disbursing officer. Kabilang sa kung hanggang saan niya kayang beripikahin ang aktuwal na paggamit ng confidential funds.
Binanggit din ni Ligutan ang Section 6.2.3.1 ng Joint Service Order, na ayon sa kaniya ay nag-aatas kay Acosta na magsumite ng investigation report.
Sinabi naman ni Acosta na nagsumite siya ng investigation report na may petsang Enero 10, 2023, tungkol sa confidential funds ng OVP.—FRJ GMA News

