Natatangi ang iba’t ibang wild fruits dahil bukod sa mga kakaiba nilang hitsura at pambihira ang lasa. Ang mga ito, matatagpuan at matitikman sa Palawan.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” unang itinampok ang wild fruit na kung tawagin ay Pasuni, na tila kendi na pabilog at kulay orange.

Napipitas lamang ito ng mga taga-Palawan sa kanilang mga puno.

Si Me-Anne Faburada, matagal nang nagbebenta ng pasuni.

“Nag-start po kami noong 2012 pa po. Habang sinisipsip po siya, matagal po matanggal ‘yung tamis niya… Nilalanggam po siya kapag iniwan lang po siya na naka-open,” sabi ni Me-Anne.

Pinipitas ng mga katutubo sa bundok ang mga Pasuni at iba pang prutas na ibinibenta ni Me-Anne, saka ilalagay sa mga ubat o basket na nakasabit sa kanilang ulo na gawa sa dahon ng Batbat.

“Para makatulong po sa mga katutubo natin, lahat ng fruits kahit hindi po kilala, binibili po namin,” sabi ni Me-Anne.

Ilan pang prutas na inaalok ng mga katutubo ang Mararing, Palau, Usaw, Popwan, Badak na kahawig ng langka, at Bulno na tila yogurt ang lasa.

Kapag sobra-sobra ang kanilang naaani, magpapa-All-You-Can-Eat si Me-Anne sa mga customer para one to sawang pagmukbang ng wild fruits sa halagang P200.

Nakauubos ng nasa 200 kilos ng wild fruits sa isang araw ang prutasan ni Me-Anne, na kumikita ng halos P15,000 hanggang P20,000 sa isang araw.

Ang bayan ng Rizal, na matatagpuan sa bandang dulo ng isla at probinsya ng Palawan, ang binansagang “Fruit Basket Capital ng Palawan.”

“Dahil sa klima at sa kalidad ng lupa, kaya po talagang dito po natin maraming nakikita itong mga wild fruits,” sabi ni Ken Maraasin, Office of the Municipal Agriculturist, Rizal.

Kabilang din sa listahan ng wild fruits sa Rizal, ang prutas na Lipso, na malayo pa lang, tanaw na sa mga puno dahil tumutubo mula sa katawan hanggang sa mga sanga.

Berde ang Lipso kapag hilaw at nagiging dilaw kapag nahinog. Mistula rin itong lanzones ngunit hindi hamak na mas maasim.

Si Romer Decena Berto, ginagawang pampaasim ang Lipso sa mga iniluluto niyang ulam.

Gayunman, inilahad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa kanilang tala na vulnerable na ang mga puno ng lipso o may posibilidad nang mawala o maubos sa hinaharap.

Sunod na itinampok ang Dugyan, na may tusok-tusok din na tila durian ngunit kulay pula ang laman nito imbes na dilaw.

Isa sa mga nagpakilala nito online, ang content creator na si Ann Kaalaman.

“Ito ay natural lang pong tumutubo sa kagubatan ng Palawan. Maihahambing ng iba sa sea urchin dahil halos magkasing bilog sila. Hindi matamis, hindi katulad ng mga durian na makikita natin sa Davao, halos walang amoy” sabi ni Ann Kaalaman.

Masarap gawing minatamis ang laman ng Dugyan.

Nanganganib na rin maubos ang mga Dugyan dahil umano sa mga itinatayong minahan at plantasyon ng palm oil.

“Ngayon po, tinututukan ko na talaga 'yung mga tropical wild fruits ng Palawan nang sa ganu’n mabigyan sila ng pansin para magbigay tayo ng awareness. Napakataas ng banta ng kanilang populasyon dahil nga sa pagpasok nitong mga minahan,” sabi ni Ann Kaalaman.

“Baka pagdating ng oras, sa video na lang nila makikita na sa 100 plus 'yung nasa listahan namin ng mga tropical wild fruits ng Palawan. Pero ang nadi-discover pa lang namin, 20 to 30 plus. Baka nakalbo na ang buong kagubatan ng southern palawan, hindi pa natin sila natutuklasan,” dagdag pa niya. – FRJ GMA News