Pumukaw nang husto sa pananampalataya ng mga Pilipino ang tinatawag na “Milagro ng Agoo” sa La Union, kung saan sinabi ng nagpakilalang visionary na si Judiel Nieva, na nagpakita umano sa kaniya ang Mahal na Birheng Maria sa isang burol noong 1993.

Ang naturang pangyayari, sinundan pa ng mga umano’y himala ng pagsayaw at pagpapalit-palit ng kulay ng araw na tinawag na “Dancing Sun,” at ang pagluha ng dugo ng imahen ng Birheng Maria. Pero noong 1995, idineklara ng Simbahan na walang himala na nangyari.

Sa nakaraang episode ng “Philippine Controversies Revisited” ni Emil Sumangal, binalikan ang kuwentong ito kung saan dinagsa ng daan-daang libong tao ang isang burol sa Barangay San Antonio.

Mahigit isang milyon umano ang dumagsa, ayon pa sa ilang ulat, matapos ibalita sa TV, radyo at mga diyaryo na may mangyayaring himala sa lugar na iyon.

Ang ilan tao na nagtungo roon, nagsabing may nakikita silang hugis ng Mahal na Birhen sa mga ulap. Hanggang sa magpamalas na umano ito ng milagro nang biglang sumayaw ang araw, na tinawag nilang “Dancing Sun.”

Bukod sa Dancing Sun, isa pang milagro ang nangyari habang nagmi-Misa, nang matanggap ng 16-anyos na si Judiel ang mensahe mula sa Mahal na Birhen, na nagpakita umano sa kaniya sa isang puno ng bayabas.

Humarap si Judiel sa mga tao para basahin ang sinabi umano sa kaniya, na isinulat niya sa isang notebook.

“It’s about the Blessed Sacrament ay ‘yung Sacred Heart po ‘yung nakikita niyong rosary,” sabi ni Judiel.

Dagdag pa niya, gusto ng Mahal na Birhen na magkaisa ang lahat para matamo ang kapayapaan, pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, magkapatawaran, at ipagdasal ang mga bata noon sa Somalia na nais wasakin ni Satanas.

Malungkot pang ibinahagi ng nagpakilalang visionary na magaganap ang huling aparisyon ng Mahal na Birhen sa Agoo sa darating nitong kaarawan sa Setyembre 8, 1993.

Sino si Judiel Nieva?

Tubong Agoo si Judiel Nieva, na normal na estudyante mula sa Agoo East Central School.

Kinder pa lamang si Judiel ‘di umano, nakausap na niya si Hesu Kristo. Sinabi umano sa kaniya ni Hesus sa salitang Ilocano, na bibigyan siya nito ng krus na bubuhatin niya para sa Panginoon. Ang tinutukoy ni Hesus, hindi literal na krus, kundi ang magaganap na aparisyon ng ina nitong Mahal na Birheng Maria.

At noong edad 10 si Judiel, nagpakita rin sa kaniya ang mga Arkanghel, pati ang Holy Family na sina San Jose, ang Mahal na Birhen, at ang Batang Hesus. Magmula noon, ilang beses pang nagpakita ang Mahal na Birhen sa kaniya.

Marso 1989 nang utusan umano ni Maria ang 12-anyos na si Judiel na pumunta sa isang burol sa Barangay San Antonio sa Agoo. Sinunod ito ng bata at doon sa burol, sa isang puno ng bayabas, nakaharap ni Judiel ang Mahal na Birhen.

“She's a beautiful lady. She stands at 5’9, or 6. The color of her eyes is bluish brown. Na para bang ayaw mo nang putulin ‘yung tinginan ninyong dalawa na you're at peace if you see her,” ani Judiel.

Kalaunan, tinawag itong “The Miracle of Agoo,” na nagsimulang pag-usapan noon sa buong bansa.

Posisyon ng Simbahan

Hati ang naging opinyon ng mismong Simbahan, kung saan may mga paring nagpaalala na huwag basta-basta maniwala sa mga salaysay ng binata, habang ang ibang pari naman ang nagdaos pa ng Misa sa burol kung saan ‘di umano nagpakita ang Birhen kay Judiel na tinawag kalaunan na “Apparition Hill.”

Nasaksihan umano ng mga tao ang isa pang milagro sa Agoo nang habang idinadaos ang Misa sa isang kumbento sa Naguilian, La Union, nalusaw at naging sariwang dugo ang Ostiya na isinubo ng pari kay Judiel sa Komunyon.

Nagulantang pa ang sambayanan nang bigla na lamang lumuha ng dugo ang imahen ng Birheng Maria na pag-aari ng pamilya ni Judiel.

Isa pang nakasaksi sa pagluha ng dugo ng imahen ang San Fernando de La Union Bishop noon na si Salvador Lazo, at nakita ng kanilang mga mata ang pag-iyak umano ng dugo ng Birhen.

Sa pagdaan ng mga taon, unti-unti naging “craze” ang Agoo phenomenon. Sinabi ni Judiel na magpapakita ang Mahal na Birhen sa burol sa Marso 6, 1993, kaya dinagsa ito ng mga tao.

Ngunit sa isang pastoral letter na binasa noon ni La Union Bishop Salvador Lazo, sinabi niya na maging maingat ang lahat sa mga pinaniwalaan nilang milagro lalo’t may mga naglabasang ulat tungkol sa mga korapsyon ‘di umano.

May mga aligasyong ginagamit-umano ng pamilya ni Judiel para sa personal na gastusin ang ilang donasyon mula sa mga deboto.

Komisyon ng Simbahan resulta

Itinatag ng Simbahang Katolika ang isang 7-man commission na binubuo ng mga pari mula sa La Union at Maynila para imbestigahan ang mga alegasyon ng Milagro ng Agoo.

Noong 1995, inilabas na ng komisyon ang resulta ng imbestigasyon.

“The commission hereby reports, His Excellency, that the apparition in Agoo is far from being supernatural,” sabi sa pahayag.

Inasahan na ni Judiel ang magiging desisyon ng simbahan.

“Masakit, hindi ba. Hindi natin maiiwasan… Okay lang, but naaawa ako sa mga taong naniniwala. They are innocent, especially in other countries. May mababalitaan sila na puro negative,” sabi ni Judiel.

Inilahad ng Simbahan kung bakit lumabas na huwad si Judiel sa ginawa nilang imbestigasyon.

“And we found out that most of them were copied verbatim. We concluded that he must have copied them and put it into his memory and actually came out with those messages,” sabi ng isa sa mga pari na bahagi ng komisyon.

“Kinopya ko daw the whole sentence. Paano ko ma-memorize ‘yun, on the spot? At maraming taong nakakakita na sinusulat ko,” depensa ni Judiel.

Hinala naman ng iba, maaaring pinalitan lamang ni Judiel ang Ostiya na isinubo sa kaniya, ng Ostiyang may dugo habang walang nakatingin sa kaniya sa simbahan.

Ang pagsayaw naman ‘di umano ng araw at pagpapalit-palit nito ng kulay ay sanhi lamang ng matagal na pagtitig dito.

Ang pagluha naman ng dugo ng imahen ng Birhen, nakitaan ng butas sa ulo nito kung saan maaaring ipasok at dumaloy ang dugo. Pero ang mismong komisyon, hindi naman talaga ito naipasuri sa mga eksperto.

Kinontra ng ilang mananampalataya at taga-suporta ni Judiel ang konklusyon ng simbahan. Hanggang sa unti-unti na ring kumonti ang mga dumarayo sa Burol sa Barangay San Antonio.

Pagpasok ni Judiel sa showbiz

Taong 2003 nang pasukin ni Judiel ang showbiz pero sa pagkakataong ito, nagpakilala siya bilang transwoman na si Angel De La Vega.

Nagkaroon siya ng TV appearances at bumida sa isang pelikula. Ngunit sa tuwing nagpapa-interview, umiiwas o matipid parati ang sagot niya tungkol sa nangyaring Agoo phenomenon.

Bumibiyahe siya sa England noong 2019 para bisitahin ang pamilya. Sumailalim din siya sa enhancements.

“I'm proud of it. You know, I don't hide. But I know, yeah, there is some enhancement, but ‘yung tinatawag nilang sexual transition, it's not, that's not true… Well, the guy should accept me. You know, tanggapin ako kung tanggapin ako,” saad niya.

Pinabulaanan niya ang mga alegasyon na may nangyari noon na korapsyon sa Agoo.

“They're asking about the money-making scam and everything. How are you gonna think about that? Because I'm only 13. And how come, I'm not a member of the foundation. I'm not even a signatory,” paliwanag niya.

Iginiit niyang maituturing na isang tunay na milagro ang nangyari sa Agoo dahil mas lumalim pa ang kaniyang pananampalataya sa Mahal na Birhen.

“I have more, deeper faith. I have, I'm stronger, you know, person. In spite of everything, in spite of all the hindrances, in spite of all the detractors, whatsoever, they pin me down. I just smile,” sabi ni Judiel. – FRJ GMA News