Nasawi ang isang pari sa Guayaquil, Ecuador matapos siyang mabagsakan ng malaking krus habang nagdaraos ng banal na Misa sa harap mismo ng altar nitong Sabado.
Nahulog ang kahoy na krus na nakadikit sa dingding at tumama sa nasawing si Fr. Patricio Sanchez.
Nakatalikod siya sa krus kaya hindi niya napansin ang pagbagsak nito.
Kumalat sa social media nitong Linggo ang nahuli-cam na insidente, na iniulat din ng mga news outlet.
Sa isang pahayag, nagluluksa ang Archdiocese ng Guayaquil sa pagkamatay ni Fr. Sanchez. Ipinahayag din nito ang pakikiisa, pagmamahal at suporta sa pamilya at mga kaibigan ng nasawing pari.—ulat mula sa Agence France-Presse/FRJ GMA News

