Napaiyak ang isang lalaki nang maaresto siya matapos na magbenta online ng isang cellphone na umano'y nakaw. Ang bumili sa naturang cellphone, ang mismong may-ari nito.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng biktima na Enero 2 nang madukot umano ang kaniyang smartphone habang naglalakad sa Calamba, Laguna.

Makalipas lang ng ilang araw, nakita raw niya ang nawala niyang cellphone na ibinebenta online.

Dahil dito, nagpanggap na buyer ang biktima at kaagad na kinontak ang nagbebenta. Kasabay nito, nakipag-ugnayan din ang biktima sa mga pulis.

Nang isagawa na ang entrapment operation ng mga awtoridad, naaresto ang nagbebenta ng cellphone.

Pero giit ng suspek, hindi niya ninakaw at napulot lang daw niya ang cellphone.
Umiiyak pa niyang ipinaliwanag na ibinabalik niya sa may-ari ang isang bagay kapag napulot niya.

Sa huli, nagpasya ang may-ari ng cellphone na hindi na magdedemanda laban sa suspek.

Samantala, nahuli-cam naman sa bahagi ng Roxas Boulevard sa Paranaque City ang pagsikwat ng isang lalaki sa cellphone ng isang pasahero ng jeep.

Kaagad daw na nakatakas ang snatcher at hindi na nahabol pa ng biktima.

Pinaalalahan ng mga awtoridad ang publiko na mag-ingat sa bahagi ng Roxas Blvd. sa Aseana lalo na pag-"rush hour" dahil sa bukod sa congested ang lugar, marami raw puwedeng gawing lagusan ang mga kawatan.--FRJ, GMA News