Kung "ipon goals" ang hanap, masasabing idol  ang isang lalaki na ginawang alkansiya ang isang tangke na hinulugan niya ng tig-P5 at P10 coins. Pero ang Bangko Sentral ng Pilipinas, hindi inirerekomenda ang paggamit ng giant alkansiya. Alamin kung bakit.

Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, ipinakita ang viral video habang binubuksan ni Jun Lacap ang tangke.

Sa unang tingin, mapagkakamalan na kinukumpuni lang niya ang tangke pero nang mabuksan na gamit ang metal grinder, lumantad ang napakaraming barya.

Nang mabilang na ang mga barya, nalaman na umabot ito sa P400,000 pero hindi nabanggit kung ilang buwan o taon niya ito pinag-ipunan.

Paliwanag ni Lacap, ang tangke ang ginamit niyang alkansiya para hindi makupitan at hindi rin niya magalaw.

Pero matapos nito, balak niya ngayon na mag-ipon muli sa mas malaking tangke dahil plano niyang bumili ng lupa na pagtatayuan niya ang negosyong gym.

"Siguro mapupuno ko ito [mas malaking tangke] mga three to four years," saad niya.
Pero ang Bangko Sentral ng Pilipinas, hindi hinihikayat ang paggamit ng malalaking alkansiya dahil nakaapekto ito sa suplay ng barya sa bansa.

"Bgayon kasi wala naman kasing batas against coin hoarding not as yet kasi wala pang batas doon. Pero ang ano, it counters coin circulation ng BSP," sabi ni Grace Malic, deputy director ng Currency Issue and Integrity Office, BSP.

Bagaman hinihikayat niya ang mga tao na mag-ipon, maliliit na alkansiya lang daw ang gamitin at kapag napuno ay ideposito bangko.-- FRJ, GMA News