Naantig ang netizens sa viral photo ng isang music store na nagbigay ng gitara sa isang batang nangangalakal sa Tuguegarao.

'Tila maagang pamasko ang bagong gitarang bigay ng mag-asawang sina Marta at Valentin Lim sa batang si Jan Mark Garcia.

Kuwento ni Marta, laging namumulot ng mga karton at bote sa kanilang lugar si Jan Mark kasama ang pinsan at kapatid nito. Madalas din daw itong humingi ng karton sa kanilang music store.

"One time po, nag-request siya na i-trace ko 'yung ukulele sa karton para daw gagawa siya ng ukulele made out of box. Nabanggit din sa akin ng pinsan niya na kaya niya talagang gumawa ng mga bagay-bagay mula sa karton," dagdag ni Marta.

 

Humingi si Jan Mark ng sirang gitara ngunit nagpasya ang mag-asawa na bigyan na lang siya ng bagong gitara. Photo courtesy: Marta at Valentin Lim

 

Isang araw ay humingi raw si Jan Mark ng sirang gitara kina Marta. Dahil wala silang sirang gitara ay naisipan ng mag-asawa na bigyan na lang ng bagong gitara upang matuto rin ang bata sa pagtugtog nito.

"Sabi ko palit kami, bigyan ko siya gitara tapos gawan niya ako ng pang-display na gawa sa karton sa studio ko," kuwento ni Marta.

Bagong kagamitan man ang ibinigay niya kay Jan Mark, hindi na raw siya lugi nang makita ni Marta ang sayang dulot ng maagang pamasko niya para sa bata.

 

Laking tuwa ni Jan Mark nang makatanggap ng bagong gitara. Ang hiling lang niya ay i-drawing ang ukulele sa isang karton, at isang sirang gitara. Photo courtesy: Marta at Valentin Lim

 

"Kung napasaya namin siya, doble 'yung kasiyahan namin. And it actually feels good, deep down in our souls. Do not get tired being kind kasi we have proven a thousand times that it will come back to you a hundred folds," dagdag pa ni Marta. —KG, GMA News