Tagumpay ang pag-aaral ng mga siyentipiko sa Israel matapos silang makabuo ng embryo ng daga sa isang bioreactor kahit na walang pinagkuhanang sperm at egg cell.

Sa ulat ng Next Now, sinabing sa eksperimentong ginagawa ng Weizmann Institute of Science, nabuo ang synthetic mouse embryo gamit ang cultured stem cells ng mga daga.

Una munang nagkaroon ng neural tube o istruktura sa embryo kung saan nabubuo ang utak at spinal cord. Pagkaraan ng walong araw, nagkaroon na ito ng tibok ng puso.

Hindi ito binuo sa sinapupunan, kundi sa isang aparato na may umiikot na glass vials sa loob ng incubator para magaya ang kondisyon ng sinapupunan.

Pitong taon binuo ng embryonic stem cell biologist na si Jacob Hanna ang bioreactor.

Gayunman, hanggang 11 araw lamang kayang buhayin ng aparato ang mga synthetic embryo.

Tumagal ng 8.5 araw ang marami sa mga specimen, at nakabuo rin ng utak, bituka at puso.

Kinakailangan pa ng masusing pag-aaral para tuluyang makabuo ng mga embryo at umabot ang mga ito sa buong gestational period ng isang daga na aabot sa 20 araw.

Tingin ng ilang siyentipiko na kung magiging matagumpay ang pag-aaral, magagamit din ang parehong proseso sa ibang species tulad ng mga tao.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News