May mga netizen ang nahiwagahan at napatanong kung totoo o hindi ang nag-viral na video online na may hinihila ang isang mangingsida na tila kumot na may ulo sa dagat ng Matalom, Leyte. Ano nga bang lamang-dagat ito?Sa ulat ni Kuya Kim Atienza sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, ikinuwento ng video uploader na si Mark Emman Anduyan, na nag-i-island hopping sila nang makita niya ang mangingisda na may hinahatak na nahuli habang papalapit sa pantalan.Ayon kay Anduyan, unang pagkakataon niyang makakita ng naturang uri ng lamang-dagat na kakaiba.Bukod sa nagtataka ang iba pang nakakita sa huli ng mangingisda, naging katanungan din kung nakakain ba ang naturang lamang-dagat.Ayon kay Kuya Kim, isang uri ng pugita o octopus ang nahuli ng mangingisda. Tinatawag itong Tremoctopus, o kaya naman ay Blanket octopus.Kapansin-pansin sa naturang octopus ang mala-kumot nitong webbings sa pagitan ng braso ng mga babaeng Tremoctopus.Ginagamit umano ng Tremoctopus ang pagpapalapad sa kanilang webbings upang magmukha silang malaki bilang depensa kapag nasa panganib sila.Hindi naman daw karaniwang kinakain ng mga tao ang Tremoctopus dahil bihirang makahuli nito.Dahil bihirang makakita ng Tremoctopus, ipinayo ng mga eksperto na mas makabubuting hayaan na lang sila sa dagat at huwag na lang hulihin.Dagdag pa ni Kuya Kim, ang Blue-ringed octopus, na bagaman may taglay na magandang kulay, ay ang itinuturing most venomous octopus sa mundo.Ang kamandag nito ay kaya umanong pumatay ng 26 na adult humans sa loob lang ng ilang minuto kaya hindi ito dapat hawakan o hulihin. -- FRJ, GMA Integrated News